Maraming nagkokomento na nasa honeymoon stage ngayon sa kanyang social media accounts ang isang kilalang female personality. Masyado kasi siyang aktibo ngayon sa pagpo-post at pagkokomento tungkol sa kung anu-anong isyu.

Hindi siya dating ganyan, tahimik lang siya, negosyo lang ang kanyang pinagkakaabalahan nu’n. Kahit nang magbalik na siya sa pag-arte ay hindi rin naman siya maingay.

Kuwento ng isang source, “Ganu’n nga siguro talaga kapag nagkakaedad na ang tao, masyadong nagiging makulit na. Tulad ng girl na ito, huwag naman niyang sabihing bagets pa siya, ha?

“Nanay na ang ginagampanan niyang roles, puwede na rin siyang gumanap na lola, di ba? Nakapagtataka lang ang pagiging maingay niya ngayon, kahit ano at sino na lang, pinakikisawsawan niya!

“Nakakaumay na siya, sa totoo lang, magpreno naman sana siya sa kasasawsaw niya!” inis na komento ng aming source.

May kuwento rin tungkol sa babaeng personalidad na ito, may isang babaeng inis na inis sa kanya dahil binubulabog ito palagi ng girl, selos kuno ang dahilan.

Sabi ng isa pang impormante, “Maligalig talaga ang babaeng ‘yun! Imagine, meron pala siyang boyfriend, kaso, may iba pang kinakalantari ang karelasyon niya!

“Nakuha niya ang phone number ng girl, ‘yun na ang naging simula ng kalbaryo ng babae! Tine-text na siya ng kung anu-ano ng female personality, tinatawag-tawagan siya, nakakaloka siya, ha?

“Bakit hindi ‘yung lalaki ang sitahin niya, ang guluhin niya, bakit ‘yung babaeng nililigaw-ligawan ng guy ang ginugulo niya?

“Kung maingay na siya sa kapo-post tungkol sa mga issue sa lipunan, e, imadyinin na lang natin kung paano niya guluhin ang babaeng pinagseselosan niya!

“Magtigil na siya, nakakaumay na siya, para naman kasing walang maaalala ang mga tao tungkol sa kanya! Siya ang original sa linyang ‘yun, siya talaga, baka akala niya, e, limot na ng mga Pinoy ang ginawa niya!” inis na pagtatapos ng aming source.

TF ng mga artista tapyas

Sa hirap ng buhay ngayon ay payag na ang mga artista na bawasan ang kanilang talent fee. Mas maganda na nga naman ;yun kesa sa wala silang kinikita.

Maganda lang sa tingin ang mga artista, pero hindi malayo ang kanilang sitwasyon ngayon sa mga kababayan nating manggagawa na nangangapa, dahil pinagbawalan silang magtrabaho mula nu’ng ideklara ang lockdown.

Puwede na uli silang magtrabaho nang ipailalim na ang NCR sa GCQ, pero hindi naman ganu’n kasimple ang lahat, mamumuhunan pa rin sila sa muling pagbabalik sa trabaho.

Ang talagang nahagip ng sitwasyon ngayon ang mga artista ng ABS-CBN, tapos na ang lockdown sa maraming lugar, pero wala naman silang babalikang istasyon.

Sino nga ba ang mag-aakala na maipapasarado pala ang kinikilalang higanteng network, may nag-iisip ba na dadaan pala sa ganito katinding indulto ang istasyon, dahil sa kawalan ng prangkisa para paandarin ang kanilang operasyon?

Meron na silang binuong bagong paraan para mapanood pa rin ang kanilang mga programa, ang Kapamilya Channel, pero hindi naman sa isang iglap lang ay sabay-sabay nang makapagtatrabaho ang kanilang mga artista.

Ang mga magsisimula na sa kanilang taping ay kailangan munang dumaan sa masusing proseso, ang mga pinaghihinalaang apektado ng virus ay hindi puwedeng magtrabaho, bukod du’n ay naka-lock-in lang sila sa isang lugar sa loob nang isang buwan na walang uwian talaga hanggang hindi pa natatapos ang kanilang mga eksena.

Abalang-abala ngayon si Coco Martin para sa pagsahimpapawid uli ng kanyang pinagbibidahang FPJ’s Ang Probinsyano, siya ang namamahala sa halos lahat ng anggulo ng taping, hindi nga naman ang pagpapasarado sa ABS-CBN ang magiging simula at wakas ng kanilang karera.