Female personality dyowa ng tibo

MARAMING kababayan natin ang nakakita sa isang pamosong female personality sa isang bansa sa Asia na may kasamang tibo. Hindi naman ‘yun krimen, pero meron silang napansin, nagpapakita ng paglalambingan sa harap ng publiko ang female personality at ang tivoli.

Tanong ng isang source namin, “Nagbago na ba siya ng gusto ngayon? Dahil palagi siyang bigo sa pakikipagrelasyon sa lalaki, e, sa tibo na siya nakikipagrelasyon?

“Ang sweet nila, ha? Meron silang mga kasama, pero ibang-iba ang mga kilos nilang dalawa. Alam mong may relasyon sila!” sabi nito.

Balita nga na gusto na raw manirahan ng magandang female personality sa probinsiya ng tivoli. Rich kuno ang bago niyang mahal, sunod ang kanyang mga layaw, ang problema lang ay dito sa Maynila nag-aaral ang mga anak ng aktres.

Chef, stewardess nilitanyahan ni female celeb

TAWA nang tawa ang aming source sa kuwentong nakarating sa kanya mula sa isang chef na nilitanyahan nu’ng minsan ng isang kilalang female personality na kumain sa kanilang restaurant.

Magaling din kasing magluto ang female personality, pero ayon sa aming kausap ay wala siyang karapatang pakialaman ang atake ng ibang chef, kani-kanyang paraan nga naman ang pagluluto.

Sabi ng aming source, “Nakakaloka talaga ang babaeng ‘yun! Ipinatawag pa niya sa waiter ang chef nila, saka nilitanyahan ng kung anu-ano! Pati ang paghihiwa ng mga sahog, itinuro niya kung paano, kailangan daw pantay-pantay!

“Sinakyan na lang ng chef ang mga sinasabi ng girl, tumatango-tango na lang siya, pero sa loob-loob siguro ng chef, e, nakakainis ang babaeng ‘yun na pati ang hiwa ng mga gulay, e, pinanghihimasukan!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Hindi na bago ang kuwento, kahit sa eroplano ay nilitanyahan din ng female personality ang mga stewardess tungkol sa pagkaing ibinibigay ng mga ito sa pasahero, ugali na talaga niya ‘yun.

Kuwento uli ng aming impormante, “Mema lang. May masabi lang siguro siya. Para lang makakuha siya ng attention. KSP ang babaeng ‘yun! Taklesa!”

Ha! Ha! Ha! Ha!

Pelikula ni Super Tekla tinao ng libreng senior citizen

PINANOOD ng aming anak-anakang guro ang pelikula ng komedyanteng si Super Tekla sa SM-Sta. Rosa. Pagpasok at pag-upo nito ay napansin ng aming source na meron namang laman ang ibang upuan ng sinehan.

Sa loob-loob nito ay tinao rin naman pala ang pelikulang pinagbibidahan ni Tekla, pero nang matapos na ang palabas at nagbukas na ang mga ilaw ng sinehan ay natuklasan nito, puro matatanda pala ang nanonood na hindi naman nagbayad sa takilya at nagpakita lang ng kanilang senior citizen’s ID para sa libreng panonood.

Komento ng aming impormante, “Ako lang pala ang nagbayad, puro libre lang ang mga nakasabay ko, may free film viewing pala ang mga senior citizen nu’ng manood ako!

“At hindi na nakapagtataka kung bakit flop ang pelikula ni Tekla. Hindi siya pambida at napakabasura ng pelikula!”

Kilalang-kilala ni anak-anakang Alwin Ignacio kung sino ang tinutukoy naming guro sa istoryang ito!

Alden pahirapang naipasok, nailabas sa gym

MAGROROLYO kami ng pasasalamat sa mga kaibigang tumulong sa amin para makarating sa San Rafael, Bulacan ang Pambansang Bae na si Alden Richards.

Isang hindi malilimutang gabi ang naganap sa fiesta ng San Rafael dahil sa pagpapasaya sa kanila ng paborito nilang aktor na walang pakialam na sinugod sa entablado ng kanyang mga tagahanga.

Walang nagawa ang mga barangay tanod, maging ang mga security na itinalaga sa plaza, pahirapang naipasok at nailabas si Alden mula sa gym dahil sa sangkatutak na tagasuporta niyang sinamantala ang pagkakataong mayakap siya at mahalikan.

Sa buong panahong nagdadala kami ng mga artista sa iba-ibang probinsiya ay ngayon lang namin naranasan ang malapit na ring pagkahulog sa stage dahil wala nang pinakikinggang pakiusap ang mga fans ng Pambansang Bae.

Panahon ngayon ni Alden Richards, hindi na makukuwestiyon ang kanyang kasikatan, pero sa kabila nu’n ay ramdam na ramdam pa rin ang kanyang pagiging humble at mapagbigay sa mga kababayan nating sumusuob sa kanya ng paghanga.

Gusto naming pasalamatan si Tita Flory Estrada, ang hermana mayor ng fiesta ng San Rafael, sina Carlites, ang sikat na ring si Tenten, ang patnugot naming si Roldan Castro at ang mga handlers ni Alden Richards sa GMA Artists Center.

The gift na maituturing ng mga taga-San Rafael, Bulacan ang pagdalaw sa kanila ng Pambansang Bae! Maraming-maraming salamat!