De-buton. De-susi. Ganu’n kung ilarawan ng mga taga-showbiz ang isang pamosong female personality. Para siyang robot na kapag binutunan na ay tuluy-tuloy na sa kanyang pagkukuwento.
Hanggang hindi siya pinipindot uli para patayin ay sige lang ang female personality sa kasasalita, wala siyang pakialam kung natutuyuan na siya ng laway, enjoy na enjoy siya sa pagkukuwento.
Reaksiyon ng aming source, “Love na love talaga niya ang pagkukuwento. Parang hindi kumpleto ang maghapon niya kapag hindi siya nagsasalita nang kilometric talaga.
“Parang she finds happiness in telling stories, ‘yun na ang nakahiligan niya. Kaya nga kapag may trabaho siya, nagiging cause of delay ‘yun, mahigpit ang production.
“Hanggang maaari, e, wala siyang kasamang mga kakuwentuhan sa dressing room, kasi, mahirap na siyang baklasin kapag nagsimula na siyang maglitanya,” simulang kuwento ng aming impormante.
At sa kanyang pagkukuwento ay hindi pala uso sa female personality ang editing. Lahat ng gusto niyang sabihin ay talagang ibubulalas niya kahit pa malagay sa alanganin ang mga taong nagiging topic niya.
“Masarap siyang pakinggan lalo na kapag mga bagay-bagay nang hindi alam ng publiko ang mga sinasabi niya. Parang host siya sa talk show na nakanganga sa kanya ang lahat dahil sa mga impormasyon na inilalabas niya.
“Kesehodang personal life pa niya ang topic, wala siyang pakialam. Kesehodang mga members pa ng family niya ang ikinukuwento niya, care bears din siya. Kaya sarap na sarap sa pakikinig sa kanya ang audience niya. Marami kasi siyang scoop!
“Kabog niya ang mga reporters sa dami ng alam niya, sa totoo lang, mga issues ‘yun na hindi pa natin nababasa at naririnig sa mga talk shows, grabe!
“Kaya nga robot ang tawag sa kanya ng iba. Oras kasing binutunan mo siya, e tuluy-tuloy na ang pagkukuwento niya, wala siyang kapaguran!
“At libre ‘yun, ha? Wala siyang talent fee sa napakahaba niyang pagkukuwento. Basta love lang talaga niya ang pagkukuwento, kesehodang mismong mister na niya ang hinuhubaran niya sa mga istorya niya,” pagtatapos ng aming source.
***
Kabaklaan ni Vice numero uno sa madlang pipol
Tulad ng inasahan ay ang mga pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin kasama si Bossing Vic Sotto ang nag-uunahan ngayon sa takilya. Malungkot nga siguro ang buhay ng mga kababayan natin kaya gusto nilang tumawa nang tumawa.
Grabe ang effort na ginagawa ni Vice para sa promo ng kanyang pelikula, halos kalahating bahagi ng kanilang noontime show ay nakalaan para sa Fantastica, producer din kasi ng MMFF movie ang Star Cinema.
Nu’ng nakaraang taon ay balitang nagkasamaan sila ng loob ni Coco Martin, pero pagkatapos nang ilang buwan ay nakikita na rin silang magkasama, nababanggit na ni Vice ang pangalan ng action star sa It’s Showtime.
Sila ang magkalaban sa takilya, nu’ng mismong Pasko sa pagsisimula ng laban ay ang dalawang proyekto ang naunang mag-announce na soldout na ang mga ticket nila hanggang sa last full show, bukod pa ‘yun sa mga special screenings na handog ng kanilang mga kaibigan.
Magandang magbenta ng kanyang produkto si Vice Ganda. Hindi pa man deklaradong sila ang panalo sa takilya sa lahat ng mga naglalaban-labang pelikula ay nauuna na ang kanyang pasasalamat sa ating mga kababayan.
Pinakamarkado para sa amin ang kanyang litanyang, “Aminin natin ang totoo. Hanggang ngayon, hirap na hirap pa ring mahalin ng ibang mga kababayan natin ang mga bakla.
“May mga ganu’ng factor pa rin, pero nakapasuwerte kong becki, kasi, ilang taon n’yo na akong tinatanggap at minamahal. Taun-taon, kapag may pelikula ako sa MMFF, ginagawa n’yong number one.
“Napaka-blessed kong bakla dahil minahal n’yo po ako. Maraming salamat mula sa puso, ang maipapangako ko lang, tatawa kayo nang tatawa sa Fantastica, masusulit ang pambayad n’yo sa sinehan,” sinserong litanya ni Vice.
At totoo naman ‘yun, sabi ng mga kaibigan naming pumila sa takilya na naiinis dahil sa matinding traffic, pero pagkatapos nilang panoorin ang pelikulang pinagbibidahan ni Vice Ganda ay umuwi silang nakangiti at talagang masasaya.