tonite-no-thanks-cristy-ferminNakakagulat ang kuwento tungkol sa isang female celebrity na bonggang-bongga ang mga idini-display na branded stuff sa social media pero napa­kakuring naman pala pagdating sa mahahalagang aspeto ng buhay nilang mag-asawa.

Natural, dahil sobrang yayamanin sila, ay marami silang bahay. Meron silang mansiyon, meron silang bahay-bakasyunan, meron din silang mansiyon sa ibang bansa at marami silang bahay sa kanilang probinsiya.

May tagapagbantay sila sa bawat bahay dahil kailangang manatiling malinis ang paligid, ayaw nilang masira ang bahay dahil walang nakatira, bihirang-bihira kasi nilang madalaw ang lahat ng bahay na ipinatayo nila.

Kuwento ng aming source, “Natural, may nasisira sa bahay nila dahil wala ngang nakatira. May mga tiles na umuumbok, wala kasing palaging naglalakad, natural lang na nangyayari ang ganu’n.

“Kapag tumatawag kay misis ang caretaker, nagagalit siya agad, bakit daw may nasisira, e, wala namang nakatira du’n? Ayaw niyang maniwala na kailangang napapagpag ang bahay para hindi nasisira ang kabahayan.

“Matagal bago siya magpadala ng pambili ng mga kagamitan sa house, samantalang ang bobongga nga ng mga branded stuff na ipino-post niya sa social media!

“Nakakaloka siya! Milyun-milyon ang halaga ng mga kagamitan niya, pero konting halaga lang para ipambili ng mga nasisirang parts ng bahay nila, e, iniipit pa niya?

“Pahirapan pang manghingi, e, magkano lang naman ang ipadadala niyang pambili ng umumbok na tiles, nasirang water hose, gripo at iba pa? So, para mabilis ang aksiyon, e, sa male personality na lang sila tumatawag.

“Mabilis ang sagot kapag kay sir sila nanghihingi ng pambili. Pak, nandu’n na agad ang kailangan nila. Pak, walang kahirap-hirap kausapin si sir, pak na pak siyang boss!” pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!
***
Mystica ipinagyabang ang bagong van

Sa halip na makisimpatya ang ating mga kababayan sa mga pa­nawagan ng babaeng maraming binutas na sahig ng entablado dahil sa kanyang kai-split habang sumasayaw ay puro negang komento tuloy ang kanyang napapala ngayon.

Pinagbigyan ni Coco Martin ang kanyang hiling, nagkaroon si Mystica ng role sa Ang Probinsiyano, pero pagkatapos lang nang ilang linggo ay pinatay na rin ang kanyang karakter dahil sa pagiging gahaman niya sa milyones na nakapatong sa ulo ng mga miyembro ng Vendetta.

Pagkatapos nu’n ay nag-post na naman siya para kunin ang atensiyon ni Michael V, gusto niya namang mapasama sa cast ng sitcom nito, pero walang naging resulta ang kanyang pa­nawagan.

Ngayon ay sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo naman ang binubulabog ni Mystica, gusto raw naman niyang mag-action, kaya nakikiusap siyang maging bahagi ng Cain At Abel.

Kapag walang naging resulta ang kanyang panawagan ay sinu-sino na naman kayang personalidad ang bubuligligin ng babaeng ito para magkaroon siya ng trabaho?

May kayabangan pa niyang ipinost ang bagong bili niyang van, dahil daw ‘yun sa Ang Probinsiyano, nagkaroon lang siya ng raket ay sasakyan agad ang pinagkagastusan niya?

‘Yun nga siguro ang dahilan ng pasusumamo niya nga­yon na magkatrabaho uli, paano na nga naman ang buwan-buwan niyang panghulog sa binili niyang van, baka hilahin lang ‘yun ng bangko sa kanya?

Walang kasalanan ang mga artistang binubulabog niya sa kawalan niya ng trabaho ngayon. Kailangang isiksik ni Mystica sa utak niya na pana-panahon lang ang pag-aartista at pagiging singer.

Walang kasiguruhan ‘yun, walang ipinangangakong bukas, kaya habang kumikita pa nang malaki ay kailangan na nilang pinaghahandaan ang kanilang kinabukasan.