
MILAGRO talaga ang nagagawa ng ngiti. Kapag nagbibitiw ng pagngiti ang isang personalidad ay tinatatakan ‘yun ng mga kababayan natin. Kahit hindi naman nila kilala nang personal ang artista ay sasabihin nilang mabait pala at hindi suplada.
Pero kapag palaging nakasimangot ang personalidad na akala mo may kung anong mabahong naaamoy at napakabilis ng paghusga ng publiko. Suplada siya, maldita, feeling-sikat.
Ganu’n mismo ang kuwento nu’ng gawin ng isang kilalang female personality ang isang TVC. Dumating siya sa shoot na nakasimangot. Hindi man lang siya bumati sa staff and crew ng ahensiyang gumagawa ng patalastas.
Kuwento ng aming source, “Maraming hindi nagkagusto sa kanya. Parang pinakasikat na artista na raw kasi kung makaasta ang simanguterang female personality na ‘yun!
Para siyang may sariling mundo, napakamahal ng kanyang pagngiti, samantalang hindi raw naman siya kagandahan. Kung anu-ano tuloy ang napansin sa kanya ng mga nandu’n na ang pinag-uugatan lang, e, ang kamalditahan niya!” unang kuwento ng aming source na napapailing.
Kilala na pala ng staff ang halos lahat ng mga sikat na artista, magigiliw ang mga ito sa kanila, kabaligtaran ng female personality na ito na wala pa namang napatutunayan ay kung bakit akala mo pinakasikat na siyang personalidad sa bansang ito kung makaporma.
Patuloy ng aming source, “Siya lang ang nakaengkuwentro ng team na ganu’n ang ugali. Binibili raw ba ang pagngiti man lang niya? Tuloy, e, nasabi ng mga nandu’n, kabaligtaran pala siya ng image niya.
“Nagpapatawa pa naman siya, pero dapat daw, e, horror movies ang ginagawa niya. Horror serye rin daw ang bagay sa kanya, hindi siya dapat nagko-comedy, dahil hindi bagay sa ugaling meron siya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.
Nicko nakapuntos kay Kris
MAGPA-file ng MR (Motion For Reconsideration) ang mga abogado ni Kris Aquino sa pagkabasura ng isa lamang sa maraming kaso ng qualified theft na isinampa niya laban kay Nicko Falcis.
Pagkagulat ang unang reaksiyon ng mga abogado ng aktres-TV host sa naging resolusyon ng kaso sa Makati Prosecutor’s Office dahil kahit minsan pala ay hindi humarap o nagsumite ng kanyang counter affidavit si Nicko.
Kinukuwestiyon nila ang resolusyon dahil mismong si Falcis ay umamin sa halagang nagalaw nito at nagtangka pa ngang bayaran ang kaukulang halaga sa pamamagitan ng kanyang personal check.
Hindi raw ba ‘yun nabasa ng assigned prosecutor sa kasong theft at paglabag sa Republic Act No. 8484 na isinampa ni Kris laban kay Nicko Falcis?
Minarkahan din ng mga abogado ni Kris kung bakit mas nauna pang nakatanggap ng kopya ng resolusyon ang media samantalang panay-panay ang kanilang pagpa-follow-up sa kaso?
Ang kanilang konklusyon, “This case is only one of the many cases filed by Ms. Aquino against Mr. Falcis all of which are pending resolution before several jurisdictions. This resolution from the Makati prosecutor is not final and we will ensure that justice is served for Ms. Aquino.”
Ayon sa mga tagasuporta ni Kris ay hindi pa dapat ipagbunyi ng kampo ni Nicko Falcis ang naunang senaryo dahil 44 cases ng qualified theft ang isinampa niya laban sa kanyang dating kasamahan sa KCA Productions.
Kumbaga sa boksing ay nakauna si Nicko, pero round one pa lang ‘yun, mas mahaba pa ang natitirang panahon para repasuhin ng piskalya ang mga kaso ng qualified theft na ihinain ni Kris laban kay Falcis.
‘Yun ang kailangan nating hintayin sa mga darating na linggo at buwan.