Female personality mabenta sa mga lalaking pamilyado

NAPAKALAKAS ng appeal ng isang kilalang female personality sa mga lalaking pamilyado na. Ewan kung ano ang nakikita sa kanya ng mga ito pero matindi talaga ang kaway niya sa mga taong may pananagutan na.

Hindi siya ligawin ng mga kaedad niya, lalo na ng mga bagets, pero nangunguna ang kanyang karisma sa mga lalaking may edad at pamilyado na.

Kuwento ng aming source, “Nu’ng minsang maging performer siya sa isang corporate show, e, pinagkaguluhan siya ng mga halos tatay na lang niya.

“Wala siyang dating sa mga young professionals, pero para sa mga tipong D.O.M. na, e, panalung-panalo siya!

“Kaso, hindi naman sila ang type na makarelasyon ng girl, hindi siya mahilig sa matatanda na, ka-age niya siyempre ang gustung-gusto niya!” bawi ng aming impormante.

Hindi rin masuwerte sa kanyang lovelife ang kilalang female personality. Palaging sa umpisa lang maayos ang kuwento ng kanyang pakikipagrelasyon, Pinoy man o banyaga ang lalaki, pero sa katagalan ay nauuwi rin ‘yun sa hiwalayan.

Komento uli ng aming source, “Teka lang naman muna, hindi lang naman siya ang hindi masuwerte sa love. Kahit naman ang sister niya, e, ganu’n din, di ba?

“Pareho lang silang unlucky in love. Baka ‘yun na talaga ang kapalaran nila. Sayang, mababait pa naman sila, magaganda, pero bakit nga ba malungkot ang love story nila?” tanong-opinyon ng aming source.

Bakit nga kaya?

Hunk actor OA sa pagpatay ng mikrobyo

SA paglaganap ng COVID-19 ay ano kaya ang mga paghahandang ginagawa ngayon ng isang sobrang OA sa pagkabanidosong hunk actor?

Sobrang linis niya sa katawan, hindi siya nawawalan ng alcohol at hand sanitizer kahit saan siya magpunta, paano kaya siya ngayong matindi ang kinatatakutang mikrobyo sa buong mundo?

Kuwento ng aming source, “Siya rin agad ang naalala ko, e! OA kasi sa pagiging vain ang lalaking ‘yun! Punumpuno ng pang-hygiene ang bag niya!

“Hindi kaya kapag lumalabas siya ngayon, e, para siyang si Storm Trooper na balot na balot ang katawan mula ulo hanggang paa?

“Nu’ng wala pa ang ganitong sitwasyon, e, kilalang-kilala na siya sa sobrang kalinisan sa katawan. Hindi mawawala ang alcohol sa tabi niya, konting hawak lang niya sa kahit sino, maghuhugas na siya agad ng mga kamay niya!

“Sa dressing room nga niya, e, agad na siyang naka-spray ng kung anu-ano para ligtas siya sa mikrobyo! Paano pa kaya siya ngayon? Napapraning na siguro siya!” naguguluhang tanong ng aming impormante.

Sabi ng isang source ay ang sobrang takot daw ng hunk actor na ‘yun sa pandemic na sakit ngayon ang dahilan kung bakit hindi siya lumalabas ng bahay.

“Kita n’yo, may nangyari na sa isang taong very close sa kanya, pero wala siya?” nakataas ang kilay nitong sabi.

Cardo Dalisay nakatagpo ng magpapabagsak

TIIS-tiis muna sa mga panahong ito ang mga kababayan nating lulong na lulong sa pagtutok sa mga teleserye. Wala muna silang mapapanood ngayon, mga dating serye at pelikula muna ang ihahalili, biglang pagtupad ng ABS-CBN at GMA-7 sa mga ipinagbabawal ng DOH para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Madaling intindihin ang sitwasyon dahil karamihan sa mga seryeng napapanood ngayon ay kapos na kapos sa pondo. Shoot to edit ang nangyayari, ang kinukunan ngayon ay ipalalabas-ihahabol sa mismong gabi ring ‘yun o kaya ay kinabukasan, mabibitin talaga ang palabas.

Kulang sila sa pondo ng materyales, kaya maganda na rin ang ganyan na tigil-taping mula sila para sa kasiguruhan ng kaligtasan ng kanilang mga artista at staff and crew, paborable sa mayorya ang desisyong ginawa ng mga network.

Kuwento ng isang kaibigan namin, “‘Yung anak kong palaging nakatutok kay Liza Soberano every night, e, malungkot. Hindi kasi niya pinalalampas ang series ni Liza, but he understands naman.

“Sabi ko nga sa kanya jokingly, kahit nga si Cardo Dalisay, e, pinabagsak ng virus! Sangkatutak na ang nagtangkang magpabagsak kay Cardo, pero nakakita rin siya ng katapat niya!” reaksiyon ng aming kaibigan.

Pansamantala lang naman ang sitwasyong ito, kapag maayos na ang kapaligiran ay tuloy na uli ang ligaya, iisa lang ang ating buhay na kailangang proteksiyunan at tutukan para sa ating kaligtasan.