Maraming naiinggit sa pictorial ng isang female personality kung saan niya ipinagbabanduhan ang mga branded stuff niya na karamihan ay bags. Napakayaman na raw siguro niya dahil kayang-kaya na niyang bumili ng mga branded bags na pinapangarap lang ng kanyang mga kapwa artista.
Sa nasabing pictorial kasi ay ipinakita ang mga koleksiyon niya ng branded bags at sapatos. Daang libo ang halaga ng bawat bag niya kabuhayan na ng isang barangay, ang dami-dami niyang koleksiyon.
Pero nabuking ang kanyang drama, hindi naman pala lahat ng ipinakita niya sa pictorial ay original, mas marami ang Class A lang.
Kuwento ng aming source, “Nasa harapan lang ang mga original, ipinuwesto niya sa harapan ang mga authentic na collecitons niya. Pero ang mga nasa likuran nu’n na nahagip din siyempre ng mga camera, e, puro fake na.
“Puro Class A lang ‘yun, ang iba, e, parating ng mga biyaherong binibilhan niya ng mga damit, ang karamihan naman, e, binibili ng mga friends niya sa isang mall dito sa Manila.
“Halos magkamukha naman ang original at Class A lang, pero sa mga sanay nang bumili ng mga original, e, mabubuking nila kung ano ang tunay at dya-fake lang!” madiing komento ng aming impormante.
Aminado naman ang isang source na bumibili talaga ng mga Class A na bags ang female personality. Pero hindi raw niya ginagamit ‘yun, for pictorial purposes lang kuno.
“Para sa mga pictorial lang niya ‘yun, pamparami lang, para bonggang-bongga ang dami ng mga collections niya. Puro original ang ginagamit niya, nasa taguan lang niya ang mga fake,” paglilinaw ng source.
Komento naman ng isang nakabuking sa kadramahan ng female personality, “Oo, parang face din niya. Ang dami-dami nang binago sa itsura niya! Mahilig pala talaga siya sa fake!”
***
Sunshine, Ynez ‘di hina-harass ang anak ni Kathy
Madiin at tahasang kinontra ni Ynez Veneracion ang bintang ng negosyanteng si Kathy Dupaya na pinadadalhan daw nila ni Sunshine Cruz ng mga mensaheng mapanira ang anak nitong hearing impaired.
Ang tungayaw ni Kathy, “Kayo, Sunshine at Ynez, bakit n’yo ako sinisiraan sa anak ko? Bakit n’yo siya pinadadalhan ng kung anu-anong messages para lang ako wasakin sa anak ko?
“Special child ang anak ko, pero ginagawa n’yo ‘yan sa kanya! E, kung i-message ko rin kaya ang mga anak n’yo at sabihin kong mga boldstars kayo? Hindi ba kayo masasaktan? Mga nanay rin kayo!” umiiyak na pahayag ni Gng. Dupaya.
Tinawagan kami ni Ynez Veneracion, gusto raw niyang sagutin ang bagong kasinungalingan na naman ni Kathy Dupaya, inililigaw lang daw nito ang isyu para makakuha ng simpatya mula sa publiko.
Ayon kay Ynez ay hindi nila hina-harass ang anak ni Kathy, ito raw ang nakikipagkomunikasyon sa kanila ni Sunshine, galit daw sa negosyante ang kanyang anak.
“Ang totoo po, e, galit na galit kay Kathy ang anak niya. Hindi raw siya binibigyan ng pera, casino raw nang casino ang nanay niya. Depressed po ang bata, post siya nang post ng depression niya sa account niya.
“So, kami naman ni Sunshine, dahil itinuturing nga naming friend si Kathy, pinayuhan namin ang anak niya. Magaganda ang mga messages na ipinadadala namin ni Sunshine para mawala ang depression ng bata.
“Ang totoo po, e, iniiba lang niya ang issue. Bakit ‘yun ang sinasabi niya, e, pera ang pinag-uusapan namin? Pera namin na hindi niya binabayaran ang issue, hindi ang anak niya!
“Gusto lang niyang makakuha ng simpatya, ginagamit niya ang anak niya, mag-stick na lang sana siya sa totoong istorya kung bakit kami humantong sa ganito!” naiinis nang komento ni Ynez Veneracion.