Female personality mahilig umepal

tonite-no-thanks-cristy-ferminGood morning myself. Self-centered. Makasarili. Mahilig sa mga camera. At marami pang ibang hindi kagandahang paglalarawan.

Ang lahat ng ‘yun ay ipinupukol ng marami sa isang babaeng personalidad lang na nang makatikim ng popularidad ay umakyat agad ang hangin sa ulo.

Kuwento ng isang source, “Hindi ‘yun magpapakabog sa mga kasamahan niya sa show. Kung ano ang meron ang mga kasama niya, kailangang mas marami ang sa kanya.

“Mabuti nga at naka-tape ang show nila, kasi, kung hindi, e, puro kuda lang niya ang mariri­nig-mapapanood sa prog­rama! Na para bang siya ang nag-iisang host!

“Good morning myself kasi siya. Puro ang sarili niya ang ikinukuwento niya, kaya hirap na hirap ang mga editors sa pagkatay ng mga kuda niya!

“Naiinis na rin sa kanya ang mga katrabaho niya, hindi lang nagpapahalata ang mga ‘yun, pero alam kaya ng female personality na ito na lihim siyang pinagpipistahan sa studio?

“Mismo! Palagi siyang pinagkukuwentuhan sa set! Kasi nga, napakahilig niyang umepal! Napakaepal ng babaeng ‘yun na ang tingin sa sarili niya, e, sikat na sikat na siya!” kuwento ng aming source.

May imahe ng pagiging matulungin ang female personality, pero meron palang kundisyon ang kanyang pagtulong, kailangang natututukan ‘yun ng mga camera.

“Yeeeeeeessssss!!!! Tumutulong lang siya kapag may mga camera. I-try n’yong humingi ng tulong sa kanya nang walang co­verage, hindi ka niya papansinin, pero kapag may mga camera na, go lang siya nang go!

“Nakakaloka ang babaeng ‘yun! Ang sarap tusukin ng perdible ang balat niya para lumabas ang ha­ngin niya sa ulo at sa buong katawan niya!” pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!
***

Maricel binuking si Arjo kay Maine

Para kaming nanuno sa pagkagulat nang makita na­ming pumapasok sa studio ng Cristy Ferminute ang Diamond Star na si Maricel Soriano.

Sinorpresa niya kami na ang mga kasabwat ay sina Mel Martinez, Tita Dolor Guevarra at ang mga anak nitong sina JP at Aness. Ang Diamond Star, walang pagbabago ang itsura, med­yo nadagdagan lang ang kanyang timbang.

Alam namin kung gaano siya kaabala ngayon dahil tatlong araw ang kanyang taping para sa The General’s Daughter. Hindi naman malapitan lang ang kanilang location, bumibiyahe sila sa malala­yong probinsiya, kaya dapat ay ipagpahinga niya na lang ang Huwebes na lib­re sa kanyang kalendaryo.

Ibang klase si Marya, ang ganda-ganda pa rin niya, makinis pa rin, mabilis gumalaw at buhay na buhay magkuwento, wala siyang kapaguran.

Kuwento niya tungkol kay Arjo Atayde na gumaganap bilang anak niya sa TGD, “Kitang-kita kong maligaya siya ngayon. Hindi ko na kailangan pang magtanong kung bakit, siya mismo ang kuwento nang kuwento tungkol kay Maine!

“Very happy ang anak ko, inspired siyang magtrabaho, naaalala ko tuloy ang mga panahon ng kabataan ko!” parang kinikilig na kuwento ng Diamond Star.

Puring-puri ni Marya ang kanyang mga kapwa artista sa serye, para lang daw silang naglalaro sa set dahil masasaya sila, kahit pa mahihirap ang mga ginagawa nilang eksena.

“Ibang-iba kapag masaya sa set. Ang work, parang gumagaan, kahit pa matitindi ang mga scenes na ginagawa n’yo. Nakaka-miss sila kapag nagpa-pack-up na kami,” sabi ni Marya.

Gumigising siya nang alas kuwatro nang madaling-araw kapag maaga ang calltime niya. Inaayos niya ang kanyang mga kailangan sa taping, ayaw na ayaw niya kasi na may nakakalimutan siya, ‘yun ang nagpapainit ng kanyang ulo.

“Alas kuwatro ako gumigising. Muni-muni muna, nagpapainin muna ako sa kama. After nu’n, kilos na ako agad in preparation for the shoot. Ayoko kasi nu’ng nagmamadali ako, kailangang cool lang, kaya maaga akong gumigising,” tip niya sa mga kapwa niya artista.

Game na game siyang sumayaw, makasaysayan ang Rico Mambo at Body Dancer na naging tatak na niya, wala pa ring kupas ang galing sa pagsayaw ng Diamond Star.

Sa kanyang estado bilang may titulong personalidad, sa kanyang katayuan bilang nag-iisang Diamond Star ay hindi pinagbago ng pera, panahon at kasikatan si Maricel Soriano.

Maraming-maraming salamat sa pagdalaw na naging dahilan ng kaligayahan ng mga solidong Maricelians na hanggang ngayon ay nand’yan pa rin, buhay na buhay, nagmamahal pa rin sa kanilang Inay Marya