Female personality malapit nang kalasan ng milyonaryong negosyante

ISANG impormanteng hindi nanununog at nangunguryente ang nagkuwento na isang araw ay magiging pinakakawawang babae ang isang kontrobersiyal na female personality.

Meron na palang bagong karelasyon ang matagal na niyang ka-live-in, isang socialite na tunay na maganda dahil walang retoke, mula ito sa isang buena familia at edukado.

“Kapag pinag-compare mo siya at ang bagong girlfriend ng guy, e, walang-wala siyang laban! Napakalayo nila sa isa’t isa!

“’Yung girl, e, kilalang-kilala sa high society, iginagalang ang kanyang pamilya, meron siyang negosyong pagkalaki-laki at successful talaga!” kuwento ng aming impormante.

Ang kinatatakutan ng marami ay kapag binitiwan na ng kanyang mayamang karelasyon ang female personality (tama, ganu’n nga kagulo ang kuwento ng kanyang lovelife), malapit na raw kasing mangyari ‘yun, dahil puro kahihiyan ang inaabot sa kanya ng milyonaryong negosyante.

Napakasakit!

Celebrity feeling maagawan ng lalaki

MATINDI pala ang insecurity ng isang female personality na sa pagkakaalam ng marami ay nasa kanya na ang lahat-lahat.

Kapag naramdaman niyang may lumapit sa kanyang milyonaryong boyfriend ay agad na siyang humaharang, sinisiraan niya na ang girl, dahil sa pag-aakala niyang maaagaw sa kanya ang lalaki.

Kuwento ng isang source, “Kahit ang mga dati nang kaibigan ng businessman, e, kinaiinsekyuran niya! Kapag nalaman niyang may niregaluhan ang guy, galit na galit siya!

“Ginagamit lang daw ng mga taong ‘yun ang boyfriend niya, kaya tatrabahuhin niya na naman ‘yun, sisiraan niya ang mga dati nang friends nu’ng businessman!

Ang gusto niya kasi, e, sa kanya dadaan ang lahat ng favor na inilalapit sa negosyante, kailangang sa kanya ang kredito, ayaw niyang nilalampasan siya!

“Ano pa ba naman ang gusto niya, e, nasa kanya na nga ang lahat? Wala siyang contentment! Mabuti pa nga ang matatakaw at nabubusog!” inis na kuwento pa ng source.

Aray ko!

Imbitasyon kay Maine nagpapaputok ng butse

BUKOD sa pagiging magaling na aktres ay may isa pang maipagmamalaki si Sylvia Sanchez. Magaling siyang magluto. Huwaran din siyang asawa at ina ng kanyang mga anak.

Sabihin mo ang kahit anong putahe at kayang-kayang iluto ‘yun ng magaling na aktres. Banyaga man ang putahe o lokal ay talagang napakasarap niyang naihahain sa hapag.

Sayang nga, sobrang okupado na ng kanyang acting career ang oras ni Ibyang, hindi na niya maaasikaso ang pagtatayo ng restaurant.

Paminsan-minsan ay iniimbitahan din ng pamilya si Maine Mendoza, ang girlfriend ng kanyang anak na si Arjo, na ikinapuputok ng butse ng mga tagahanga ng dalaga.

Ginagamit lang daw niya si Maine sa pangsarili niyang kapakanan, gusto lang daw niyang sumikat, kaya gustung-gusto nilang nakakasama si Yaya Dub.

Bakit naman gagamitin ni Ibyang si Maine? Bago pa naging magkarelasyon sina Arjo at Maine ay Sylvia Sanchez na siya, isang magaling na aktres, kilalang-kilala na sa kanyang hanay?

Alangan namang hindi man lang imbitahan ng kanilang pamilya ang girlfriend ni Arjo kapag nagkakaroon nang sapat na panahon si Ibyang para makapagluto?

Paminsan-minsan na nga lang niyang nagagawa ang ganu’n sa dami ng kanyang trabaho, pero basta maluwag ang kanyang schedule ay kusina agad ang kanyang destinasyon, hinahanap-hanap kasi ni Art Atayde at ng kanilang mga anak ang mga pagkaing luto ng magaling na aktres at cook.

Si Sylvia Sanchez, gagamitin si Maine para sa kanyang career, hello naman at teka lang naman muna!