Female personality masaya sa lockdown

Maraming personalidad na problemado ngayon dahil sa pagpapatigil ng mga network sa taping ng kanilang mga programa. Walang katiyakan ang pahinga ng mga artista, hanggang hindi ligtas ang bansa sa banta ng COVID-19 ay tigil-trabaho pa rin sila, nganga ang mas nakararami sa kanila.

Pero kung maraming nalulungkot at hindi malaman kung saan sila kukuha ng pangtustos sa mga gastusin ng kanilang mga pamilyang sa kanila lang umaasa ay may mga personalidad namang parang nabiyayaan pa nga sa kanilang pamamahinga.

Kuwento ng aming source, “Napakahalaga ng pahinga para sa mga artista, ‘yun kasi ang kulang na kulang sa kanila. Tama, kumikita sila nang malaki, pero parang fiesta na sa kanila kapag nagpa-pack-up ang taping at shooting nila!

“‘Yun lang kasi ang nagagamit nilang panahon para sa pahinga, hindi sila nagpupunta sa kung saan-saan, talagang nasa bahay lang sila at kain-tulog lang ang ginagawa nila.

“Kaya itong mahabaang pahingang ito, marami mang apektado sa lockdown, e, masayang-masaya ang isang female personality na talagang sagad na sagad na ang katawan sa katatrabaho!

“Pinakahihintay niya ang oras na ito, answered prayer siya ngayon, dahil makapagpapahinga na siya nang husto na wala siyang inaalalang baka kapusin siya dahil meron naman siyang naiipon.

“Hindi siya kailangang mag-panic buying, sagana siya sa buhay, hindi magugutom ang family niya kahit humaba pa nang humaba ang tigil-trabaho nilang ito,” unang kuwento ng aming impormante.

Malaki ang ginagampanang role ng female personality sa isang sikat na serye, hindi mabubuo ang istorya kapag wala ang kanyang mga eksena, dahil siya ang loves ng bidang aktor sa palabas.

-o0o-

Sikat na aktor nagnakaw ng tulog

May male counterpart ang female personality, wala ring sapat na tulog at pahinga ang isang sikat na aktor, ginagawa na nga niyang bedroom kadalasan ang mga upuan sa kanyang van para lang siya makapagnakaw ng tulog.

“Mas matindi ang trabaho ng male personality na ito, hindi lang kasi siya umaarte, nagso-show pa siya abroad, nagho-host, talagang takaw na takaw sa pahinga ang katawan niya!

“Nalulungkot siya para sa mga kasamahan niyang artista, pero ito ang panahon para maregaluhan niya naman ng pahinga ang katawan niya, ilang taon na siyang puro trabaho lang ang inaatupag!

“Makapagbakasyon man siya, e, bitin pa rin, nasa ibang bansa pa siya, e, nasa utak na niya ang sangkatutak niyang gagawin sa pagbabalik niya, ganu’n siya ka-in-demand bilang artista,” sabi ng aming source.

Lalong walang problema sa kanyang kabuhayan showcase ang sikat na male personality, mawalan man siya ng trabaho dahil sa COVID-19, may mga kumikita siyang negosyo.

Sabi uli ng aming source, “Ngayon niya mas nararamdaman ang mahusay niyang decision na inegosyo ang mga pinagpapaguran niya. Tamang desisyon, maaga pa lang, e, may fallback na siya.

“Mabait kasi siya, very humble, mapagmahal at marespeto sa kapwa niya, kaya hindi na siya maghihirap,” bigay na bigay na ang clue ng source sa kanyang pagtatapos.

-o0o-

Raket sa showbiz paralisado

Nauna nang nagdesisyon ang sikat na news anchor at radio commentator na si Raffy Tulfo sa pagla-lockdown sa kanyang programa nu’ng Lunes nang hapon.

Nauna nang ipinagbawal ang pila sa Wanted Sa Radyo, hindi pa pinaiiral ng DOH at ng ating pamahalaan ang enhance community quarantine ay nag-anunsiyo na ang pamunuan ng TV5, wala nang pila para sa programa ng tinatawag ngayong man of the hour.

Puro replay na lang ng Wanted Sa Radyo ang ipinalalabas ngayon, lahat ng live shows ng TV 5 ay kinansela na ang pagsahimpapawid, bilang pagtugon sa social distancing ng network.

Wala na rin munang Cristy Ferminute, pati ang digital show namin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu na Take It, Per Minute… Me Ganu’n ay hindi na umere kahapon, nakalulungkot pero wala tayong pamimilian kundi ang sumunod sa mga alituntunin ng DOH para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 na pandaigdigan nang problema ngayon.

Lahat ng network ay nagpairal na ng tigil-trabaho, puro replay na ng mga live shows ang napapanood ngayon, tigil din ang taping ng lahat ng mga serye kaya mga dating pelikula at serye ang kanilang ipinalalabas.

Dobleng ingat ang kailangan nating gawin, itapon ang matinding takot, dahil hindi ‘yun ang makareresolba sa matinding problemang kinakaharap natin ngayon.