HANGGANG ngayon pala ay matindi pa rin ang galit ng isang kilalang female personality sa nakahiwalay niyang mister. Hindi lang siya palasalita pero alam na alam ng kanyang mga kaibigan ang dahilan ng kanyang galit sa ama ng kanyang mga anak.

Hindi raw ‘yun masusukat, sobrang tindi kuno ng galit ng aktres sa kanyang dating mister, kapag naaalala nga raw ‘yun ng female personality ay nabubuhay na naman ang matindi niyang galit sa aktor.

Kuwento ng isang kaibigan ng babaeng personalidad, “Kaya niyang dalhin ang kahit anong problema, pero ‘yung sa dati niyang asawa, naku, hanggang ngayon, kapag naaalala niya ‘yun, e, talagang para siyang bagong panganak na tigre!

“May kani-kanyang buhay na sila ngayon, pero kapag naiisip niya ang mga ginawang pambabastos sa kanya ng mister niya, e, talagang hindi niya mapigilan ang sarili niya sa sobrang galit!” kuwento ng impormante.

Sobrang babaero ang male personality, pero pinalampas lang ‘yun ng kanyang dating misis, ano kaya ang pinakamatinding ginawa ng aktor sa female personality para magalit siya nang ganyan?

“Basta, alam nu’ng male personality kung ano ‘yun! Basta! Nu’n lang nakaranas ng ganu’ng kabastusan ang female personality!” bitin na pagtatapos ng aming source.

Ganu’n?

Imee panis na ang pasabog kay Willie

MAY isang dating co-host si Willie Revillame na nagpapalutang ngayon ng pasabog na balitang kakasuhan niya ang aktor-TV host.

Ang asunto – sexual harassment. Nangyari raw ‘yun sampung taon na ang nakararaan ngayon, kinse anyos pa lang daw si Imee Hart nu’n, na may koronang Miss Philippines-Earth.

Hindi kami nagulat sa balita, ang ikinagimbal namin ay naghintay muna nang sampung mahahabang taon itong si Imee Hart bago niya kasuhan ng sexual harassment si Willie, bakit ngayon lang?

Nu’n magpunta sa bahay-bakasyunan ni Willie sa Puerto Galera ang kanyang production staff ay sumama pa si Imee Hart, nakita namin ang ipinost niyang retrato sa kanyang Facebook page, tenga sa tenga ang kanyang pagkangiti.

Meron bang malalaking tao sa likod ng babaeng ito na nagsusulsol sa kanya para bulabugin ang nananahimik na TV host? Kung meron ay magsaliksik muna sila para sila mismo ang makaalam ng batas tungkol sa preskripsiyon ng ganu’ng asunto.

Kinse anyos pa lang pala siya nu’n, sampung taon na ang nakararaan, nagkaroon na siya ng anak at kung anu-ano na ang kanyang pinagdaanan nang maisipan niyang kasuhan si Willie?

Meron kayang nagbulong kay Imee Hart na magandang gawing negosyo si Willie dahil napakayaman ng aktor-TV host? Araw-araw itong napapanood sa Wowowin na nagbibigay ng pera, bahay at sasakyan sa kanyang programa, ‘yun kaya ang motibo ng Imee Hart na ito para kasuhan si Willie ng sexual harassment?

Kung totoong nakaranas siya ng pambabastos mula kay Willie sampung taon na ang nakararaan, paano pa niya natitiis na makasama ang taong ‘yun, ang babaeng nakaranas ng ganu’n ay hindi na sisikmurain pang makasama ang nambastos sa kanya kahit kailan!

Hindi namin minamaliit ang pagkatao ni Imee Hart, pero suntok sa buwan ang plano niyang pagdedemanda kay Willie, sila-sila lang ng kanyang kampo ang maniniwala sa kanyang pasabog na kuwento.

Nu’ng nakaraang Lunes lang ay live na napanood si Willie na namamahagi ng tulong para sa mga kababayan nating naging biktima ng pagsabog ng bulkang Taal.

Napakaganda ng kanyang puso sa pag-ayuda sa mga kababayan nating nakakaranas ng kalamidad, sa harap at likod man ng mga camera, maraming makapagpapatotoo nu’n.

Kung ang bawat babaeng mag-iisip na gawing negosyo ang pagiging milyonaryo ni Willie ay mag-isip-isip sana muna sila. Hindi pinupulot lang nu’ng tao ang kanyang pera, pinaghihirapan nito ang pagho-host, may kakambal lang talagang matinding suwerte si Willie dahil marunong itong magbahagi ng kung anumang biyayang dumarating sa kanya.

Ano ito, para patahimikin si Willie, para ang kuwento ng danyos perhuwisyos ay walang kahirap-hirap na makuha?

Hindi pa ipinanganganak ang isyung magpapabagsak kay Willie Revillame. Hindi pa.

Dahil ang mismong kalaban ni Willie Revillame ay ang kanyang sarili. Hindi kahit sino.