tonite-no-thanks-cristy-ferminMaraming kababayan natin ang naniniwala sa feng shui. Bagong Taon man o hindi ay malaki ang kanilang paniniwala na may positibong hatid ang paniniwala sa feng shui.

Marami ring artistang nahihilig sa feng shui. Mga bracelet na suwerte sa pag-ibig, mga pangdispley sa bahay at opisina na nagtataboy sa masasamang espiritu, mga kulay ng damit na kailangang suot sa partikular na araw.

Pero may isang kilalang female personality na hindi nagtagumpay sa mga ginagawa niyang ritwal na naaayon sa feng shui. Puro kabaligtaran ang nangyari sa kanyang career at personal na buhay.

Kuwento ng aming source, “Palagi siyang nagsusuot ng mga pulseras na puro pink ang kulay ng mga bato. Pampasuwerte raw ‘yun sa pakikipagrelasyon. Pero ano ang nangyari?

“Nagkahiwalay sila ng karelasyon niya, nagkaroon sila ng isang anak, pero siya pa ang huling nakaalam na matagal na pala siyang gustong hiwalayan ng boyfriend niya.

“Alam na ‘yun ng mga kaibigan ng lala­ki, pero para siyang eng-eng na huli pang nakaalam. Na-shock siya nu’ng yayain siyang mag-date ng guy, pero hindi pala ‘yun date, kundi isang matinding rebelasyon dahil harap-harapan siyang sinabihan ng la­laki na tapos na sa kanila ang lahat,” kuwento ng a­ming impormante.

Marami siyang nakadispley na pampasuwerte sa kanyang bahay. Parang feng shui shop ang kanyang sala sa dami ng mga gintong rebulto na pampasuwerte raw sa career at negosyo. Pero kabaligtaran din ang nangyari.

Balik-kuwento ng aming source, “Lahat ng binuksan niyang negosyo, bagsak agad. Nagkautang-utang siya, puro interest lang ang nababayaran niya, maraming maniningil ang female personality.

“Masyado kasi siyang umasa sa feng shui, hindi na siya naging hands-on sa pamamahala sa business niya, du’n siya nagkamali. Hindi lumalapit ang suwerte sa taong nagpapabaya.
“Ang mina ng ginto, e, hindi nakikita na lang basta, hinuhukay muna ‘yun nang napakalalim bago makita,” pagtatapos ng aming source.
***

Willie plakado sa paghukay ng emosyon

Kundi pa kami humingi ng bakasyon sa radyo ay hindi pa namin mapapanood ang isang napakaemosyonal na episode ng Wowowin na tunay namang iniyakan ng publiko.

Nang ipalabas ang episode na ‘yun ilang buwan na ang nakararaan ay napakarami naming tinanggap na mensahe ng paghanga kay Willie Revillame. Mga tinatawag na small people ang kanyang mga kalahok na nanalo ng jackpot prize na kinabibila­ngan ng lupa at bahay, sasakyan at isang milyong piso.

Sabi ng isang nag-text sa amin, “Napakaganda talaga ng puso ni Kuya Wil. Ginawan niya talaga ng paraan na makuha ang mga contestants na small people ang jackpot.”

Huli man naming napanood ang Wowowin nu’ng bisperas ng Bagong Taon ay naramdaman namin ang matinding emosyon ng ating mga kababayan nang panoorin nila ang episode.

Nagmarka para sa amin sina Richard at Ella, may isa silang anak, normal ang sukat ng bata na nagmana sa kanyang ama. Si Ella ay anak ng pumanaw na sidekick nina Joey de Leon at Rene Requiestas na si Ungga Ayala.

Umaambon nu’ng katapusan ng Disyembre, pakiramdam namin ay mas malakas pa ang tulo ng luha namin habang ikinukuwento ni Ella ang kanyang buhay sa piling ni Richard, lalo na nang magbigay ito ng mensahe para sa kanyang anak.

“Huwag mo lang pansinin ang mga sinasabi ng ibang tao. Lagi mong tatandaan na ginagawa ko ang lahat para mapunan ko ang kulang,” naluluhang sabi ni Ella.

Sabi naman ni Richard, “Ayaw po sa kanya ng lolo at tatay ko. Hindi raw po ba ako nahihiyang kasabay sa labas ang isang tulad niya? Sabi ko naman po, bakit naman ako mahihiya kung mahal ko ‘yung tao?

Sabi ni Willie, “Nakakainggit naman kayo. Meron ka pa bang kapatid?” sabay tingin kay Ella. Ganu’n naman si Willie Revillame, kapag inaapuntahan na siya ng emosyon ay ginagawa niyang komedya ang sitwasyon, pero ramdam na ramdam mo sa kanya ang pagmamahal at malasakit.

Nag-iisa lang si Willie Revillame sa paghukay sa itinatagong emosyon ng ating mga kababayan sa napakasimpleng paraan. Kanyang-kanya talaga ang atakeng ‘yun, hindi mapaplakado ng kahit sino, dahil puso niya ang nagsasalita.