SOBRA palang madiwara ang isang popular na female personality kapag nasa entablado na siya. Kumakain nang mahabang oras ang pakikipag-meeting niya sa production staff dahil sa kanyang mga gusto at ayaw.
Mabusisi siya, pati ang script ng pagpapakialla sa kanya ay kailangang dumaan sa kanya, meron siyang tinatanggal at idinadagdag.
Kuwento ng amiing source, “Masarap na mahirap siyang katrabaho. Malaking challenge siya, kaya masarap. Pero sa sobrang kadiwaraan niya, e, maiinis ka rin.
“Lalo na sa ilaw sa stage, naku, napakaarte niya! Du’n talaga siya madiwara! Kailangang tama ang ligthing para hindi makita ang mga pileges niya!
“May mga paraan kasi para hindi masyadong makita ang edad, ang katabaan, ang sobrang kapayatan. Lahat ‘yun, maidadaan sa tamang lighting effects.
“E, itong female performer na ito, e, hindi na bumabata, nagkakaedad na siya, pero ang gusto niyang makita ng audience, e, mas bata siya sa age niya!
“Aysus! Mahirap siyang ilawan! Pagod na pagod sa kanya ang lighting director sa dami ng mga pinipindut-pindot niya habang kumakanta ang lola n’yo!
“May ilaw na kailangang mataas ang tama para hindi makita ang baba niya na medyo alam n’yo na, sumasabay na sa age niya, kaya medyo lumalawlaw na!
“At huwag kang magkakamali kapag malungkot ang tema ng song niya. Walang ibang kulay, kailangang dim light lang ‘yun, saka gustung-gusto niyang naka-focus lang ang ilaw sa kanya, ‘yung para na siyang bibitayin!
“Babad na babad lang sa kanya ang spotlight habang nag-eemowt siya ng mga kanta niyang malungkot. Huwag kang bibitiw, dahil pagkatapos ng show, e, siguradong award ka sa kanya!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Nu’ng minsang mag-concert ang female performer sa ibang bansa ay galit na galit siya. Hindi kasi kumpleto ang mga hinihingi niyang technical rider.
“Kulang sa ilaw ang tech rider na kinuha ng producer! Sumentro sila sa mga instrumento, pero ang hinihingi niyang bonggang lighting, kulang!
“Naku, galit na galit siya! Paano nga naman ‘yun? Eeksena ang mga pileges niya, ang baba niyang may sobra-sobra nang obvious na lumalaylay!
“Basta, mahirap siyang katrabaho! Marami siyang requirements! Dito ba ang tutok ng ilaw o du’n? Basta!” napapailing na lang na kuwento ng aming impormante.
Ha! Ha! Ha! Ha!
Pilita walang arte
NGAYON lang namin kinuhang performer si Ms. Pilita Corrales sa mga ipinoprodyus naming shows. Si Eva Eugenio ang naging tulay namin. Sanggang-dikit kasi ang dalawa.
Pero totoong-totoo ang mga kuwento ni Eva Eugenio, “Ako ang bahala kay Pilits, napakadali niyang kausap, wala siyang kuskos-balungos.”
Sila ang naging special guests ng The OPM Hitmen (Richard Reynoso, Renz Verano, Rannie Raymundo at Chad Borja) sa pre-Valentine show namin sa Music Museum nu’ng nakaraang Biyernes nang gabi.
Napak-professional ng Asia’s Queen Of Songs, dumarating siya sa saktong oras ng rehearsal, hindi siya nagpapaasikaso sa production staff.
Nu’ng dinner na ng lahat bago nagsimula ang concert ay lumabas si Tita Pilita mula sa dressing room, hindi siya nagpahatid ng pagkain sa kanyang secretary na si Tita Ester, nakisalamuha siya sa lahat.
Sabi ng isa naming kaibigan, “Mataas ang stairs paakyat at pababa sa dressing room papunta sa backstage, kaya sa ibaba siya ipinuwesto.
“Lumabas siya ng dressing room, hindi siya nagpadala ng food, nakipagkuwentuhan siya sa lahat ng nandu’n. Kung iba-iba lang si Tita Pilita, naku, kakain na lang ‘yun sa dressing room!
“Asia’s Queen Of Songs siya, pero wala siyang kaarte-arte! Wala siyang hinihinging kung anu-ano, masarap siyang katrabaho! Tuwang-tuwa sa kanya ang grupo,” kuwento ng aming source.
Kinanta ng The OPM Hitmen sa isang production number ang mga pinasikat niyang kanta. Sino ba naman ang makalilimot sa kanyang “A Million Thanks To You,” “Ugoy Ng Duyan,” “Usahay” at marami pang iba?
Isang spot number ang ginawa ni Tita Pilita, pero nu’ng kasama na niya ang The OPM Hitmen ay kinanta ng gruo ang “Pipit” na pinasikat din niya, napakaluma na raw ng kantang ‘yun.
Mga bagong kanta raw ang gusto niya, kaya kinanta nila ng grupo ang sikat na “Buwan” ni JK Labajo, nakakaaliw ang beteranang singer.
Kaya naman pala patuloy siyang kinukuha sa mga concert, hindi siya nawawalan ng raket, napakadali kasi niyang kausap at sobrang propesyonal.