tonite-no-thanks-cristy-fermin

Hanggang ngayon, kahit ilang taon na ang nakalilipas, ay naaalala pa rin ng mga production staff ng isang programa sa isang mala­king network ang kuwento tungkol sa isang female personality na palaging gutom kapag iniimbitahan nilang maging guest.

May pambili naman siya ng makakain, malaki rin naman ang kinikita niya sa kanyang mga raket, pero bakit nga ba mukhang palaging hindi kumakain sa kanilang bahay ang babaeng personalidad kapag dumarating na siya sa studio?

Kuwento ng aming source, “Kapag nasa studio na siya, e, isa lang ang palagi niyang tanong, ‘May food ba kayo?’ Natural, tatanungin naman siya ng production staff kung ano ang gusto niya.
“Maglilitanya na siya ng mga paborito niyang food, nagpapabili siya ng mga gusto niya sa isang food chain, ganu’n siya katindi!

“Kung once or twice lang siyang nagkaganu’n, e, okey pa sana, baka nga galing siya sa kung saan, pagod at gutom na gutom, okey lang ang ganu’n!

“Pero tuwing guest siya sa show, e, ganu’n na talaga siya, palagi siyang naghahanap ng food, parang hindi siya kumakain sa house nila!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

At nakikita nila ngayon ang female personality, aktibo siya sa pagla­lagare sa maraming probinsiya, siya ang kumakatawan sa isang mahal sa buhay niya na hindi nakararating sa aktibidad.

Balik-kuwento ng aming impormante, “Ganu’n din kaya ang ginagawa niya ngayon kapag dumarating na siya sa iba-ibang probinsiya? Food din kaya ang una niyang hinahanap? Nu’ng isilang kaya siya sa mundong ito, e, likas na siyang palagutom?

“Nakakaloka siya, ha? Parang hindi talaga siya kumakain sa bahay nila! Palagi siyang Tom Jones, palaging kumakalam ang sikmura niya!” tawa pa rin nang tawang pagtatapos ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha!

***

Bumagsak na ang bombang matagal nang hinihintay ng mga tagasuporta ng loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza. Ito na ang matagal na nilang isinisigaw, kailangan nang magpakatotoo ang kanilang idolo, kaya ibinigay na ni Maine ang kanilang hilig.

Ano kaya ang naramdaman ng mga miyembro ng AlDub nang sabihin ni Maine na oo, madalas silang mag-date ni Arjo Atayde, at nakilala na rin ng kanyang pamilya ang aktor.

Kunsabagay ay 2017 pa nang ipagtapat ng dalaga na magkaibigan lang sila ni Alden, walang anumang seryosong relasyong namamagitan sa kanila, kaya nga lang ay naging bulag, pipi at bingi ang AlDub Nation sa kanyang rebelasyon.

Sinumang mapalapit sa dalaga ay bina-bash ng kanyang mga tagahanga, pinagbabantaan pa ngang papatayin ang buong pamilya, OA na OA ang ginagawa ng ibang miyembro ng AlDub Nation.

Kailangan nilang isaksak sa utak nila na hanggang sa harapan lang ng mga camera nila pag-aari ang loveteam, kapag bumaba na ang kurtina ng entablado ay may kani-kanya na silang buhay, hindi nila hawak sa leeg ang kanilang mga idolo.

Palayain nila ang damdamin nina Alden at Maine, hindi ang kung ano ang kanilang gusto ang kailangang masunod, kundi ang sigaw ng kanilang puso.

Ano ang magagawa nila kung ang kaligaya­hang hinahanap ni Maine ay si Arjo Atayde pala ang nakapagbibigay? Mapipi­gil ba nila ang damdamin ng dalaga kung ang hinahanap niya ay si Arjo at hindi naman si Alden?

2019 na, mahirap bang intindihin ang ipinarara­ting sa kanila ni Maine, mahirap bang tanggapin ang kasabihan na kung saan maligaya ang kanilang idolo ay du’n na rin dapat sila?