Maigsi lang ang kuwentong ito pero isang istorya ito na ikinakilabot ng mga magkakaumpukang taga-showbiz. Tunay naman kasing nakawiwindang ang lumabas na kuwento kung bakit matindi ang away na namamagitan ngayon sa isang pamosong female personality at sa kanyang kapatid.
Kuwento ng source, “Tinawagan kasi ng female personality ang isang pinsan niya, nagpapahanap siya ng hired killers sa kanilang probinsiya.
“May tinawagan ding pulitiko ang babaeng personalidad. Itinatanong niya kung meron ba siyang kilalang hired killers?
“Nagulantang ang pulitiko, tinawagan niya ang kapatid ni female personality. Tanong niya, ‘Ano ang matinding problema ng sister mo? Bakit siya nagpapahanap ng gun for hire?’
“Galit na galit ang kapatid ng female personality, mula nu’n, e, hindi na niya kinakausap ang sister niya, nakakagulantang naman kasi talaga ang kuwentong nakarating sa kanya!” madiing kuwento ng impormante.
Nakakaloka! Ano na ba ang nangyayari kay sister?
***
Magaling na aktor, bad breath
Kailangan sigurong gumamit ng mouthwash ang isang kilalang aktor na madalas mapanood sa pelikula at telebisyon. Lumalabas na kasi ang mga kuwento tungkol sa kanyang bad breath.
Mahahaba pa naman ang pakikipagpalitan niya ng linya sa kanyang mga kasamahan sa serye, maging ang magaling na aktres na palagi niyang kaeksena ay nahihirapan na rin, meron kayang puwedeng magsabi sa magaling pa namang aktor na ito na maging matalas siya sa kanyang personal hygiene?
Sabi ng aming source, “Nu’ng nagkasama sila ng isang sexy actress sa isang movie, nu’n unang pumutok ang kuwento tungkol sa bad breath niya.
“Nauungkat na naman ‘yun ngayon dahil very visible siya. Malaki naman ang kinikita niya, kayang-kaya niyang bumili ng kahit kahun-kahong mouthwash, bakit pinababayaan niyang pinagtsitsismisan siya sa set ng serye nila?” huling komento ng aming source.