Female personality naglalakad na walang direksyon

tonite-no-thanks-cristy-ferminTotoo kaya ang kuwento na madalas makitang lakad nang lakad nang walang direksyon ang isang female personality na nu’ng kanyang kapanahunan ay nabigyan din ng pagkakataong makilala sa pelikula at telebisyon?

Nagmarka ang pangalan ng babaeng personalidad sa magaling niyang pagsayaw, maharot siyang gumalaw, kuhang-kuha niya ang atensiyon ng publiko.

Marami siyang ginawang pelikula na katambal ang isang komedyante, kumikita ang kanilang mga proyekto, kaya maraming prodyuser ang sumugal sa kanya.

Nang lumutang ang kuwentong madalas siyang makitang palakad-lakad sa isang lugar ay nagtanung-tanong ang aming source kung gaano katotoo ang balita.

Sabi ng aming source, “Ilang araw kaming nagbantay sa place na sinasabing palaging pinagtatambayan ni ____(pangalan ng female personality). Sabi kasi ng mga tagaroon, e, pasulput-sulpot lang daw siya.

“Umaalis din daw agad siya, pero nakikita talaga siya du’n, nakikilala siya ng mga nandu’n. Parang tinamaan daw siya ng depression, kasi, blangko palagi ang tingin niya, wala ring direction ang paglalakad niya.

“Sayang nga, hindi namin siya natiyempuhan, kilala niya kasi kami, nakatrabaho namin siya nu’ng active na active pa siya sa paggawa ng pelikula,” sabi ng aming kausap.

May balita na nagpunta sa Japan ang female personality, ilang taon din siyang nagtrabaho du’n bilang dancer, ayon sa kanyang mga kasabayan ay panalo raw naman siya sa pagpe-perform sa nasabing bansa.

Patuloy ng aming source, “Sana nga, pagbalik namin sa place, e, matiyempuhan na namin siya. Nagagamot naman ang depression, puwede namin siyang tulungan,” pagtatapos ng aming source.

***

Regine masisisi sa mga matsutsugi sa ‘ASAP’

Tone-toneladang stress ang aatake kay Regine Velasquez kapag umandar na ang makinarya ng mga tagahanga ng mga balitang matatanggal sa ‘ASAP’ nang dahil sa kanyang paglipat.

Kung bakit naman kasi tumiyempo pa sa kanyang paglipat sa ABS-CBN ang matagal nang plano ng istasyon na bigyan ng bagong bihis ang kanilang musical variety show.

Nasisingitan daw kasi ng kalaban nilang show tuwing Linggo nang tanghali ang ‘ASAP’ sa labanan ng ratings, kaya ang naging desisyon ng produksiyon ay ang mag-reformat, siguradong may matatanggal at madadagdag kapag ganu’ng proseso ang naganap.

Natural, kay Regine Velasquez mapopokus ang sisi kapag may mga natanggal na mi­yembro ng show, siya ang siguradong mapagbubuntunan ng galit ng mga fan ng mga personalidad na masasagasaan sa reformat.

Natiyempo nga lang, pero hindi maganda ang tiyempo, kung kailan naman siya iwewelkam na bagong host ng programa ay saka pa may magaganap na pagbabago.

Pero sabi ng aming source, “Wala namang dapat ikagalit ang mga matatanggal kung sakali. Sigurado namang maiiwan sa show ang mga personalities na may malaking hatak sa ratings.

“Saka survival of the fittest ‘yan, ‘yung mga hindi naman talaga nakapagde-deliver, ‘yun ang mga unang nakalinya sa reformat. Kung may naiaambag naman sila sa show, ano ang dapat nilang ikatakot?

“Napakatagal na nila sa show, pinakinabangan na nila nang sobra-sobra ang exposure nila du’n, kaya it’s about time na magkaroon naman ng chance ang mga deserving talaga,” punto ng aming kausap.

Hindi kumakampi kay Regine Velasquez ang panahon, sa kanyang pagpasok sa ‘ASAP’ ay saka naman kailangang lumabas ang iba, kaya sino pa nga ba ang puputukan ng sisi at bibimbangin ng mga tagahanga ng mga masasagasaang artista at singers ng programa?