Sa isang mayamang bansa ay nakita ng ating mga kababayan ang isang kilalang female personality na nagsi-shopping. Wala siyang kasama, mag-isa lang siya, kilala siyempre siya ng mga Pinoy.

Diretsuhin na natin ang kuwento, mga iwing manggagawa ang nakakita sa female personality, nagtatrabaho sila sa bansang ‘yun bilang mga domestic helper.

Kuwento ng aming source, “Natural, gusto nilang makipag-selfie kay ____ (pangalan ng kilalang babaeng personalidad). Chance na nga naman nila ‘yun para makapagpa-picture taking, di ba?

“Alam nilang napansin sila ng female personality, nagsasalita sila sa lengguwahe natin, alam ng girl na may mga Pinoy sa paligid.

“Para raw silang nagpapatintero. Kapag malapit na sila sa girl, bigla siyang lumalayo. Kapag nasa right wing siya at palapit na ang mga OFW, bigla siyang lilipat sa left wing ng shop.

“Palaging ganu’n, para silang naghahabulan, nakaramdam na siyempre ang mga faney! Binubuwisit nila ang girl! Talagang dinidikitan na nila!

“Pero hindi na sila nakipag-selfie, ininis na lang nila, tutal naman daw, e, pinagmamalditahan sila! Talagang nainis sa kanya ang mga domestic helper, sa TV lang daw pala kasi siya bait-baitan, pero suplada naman sa personal!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Hindi na naging kumportable ang female personality kaya umalis na lang siya sa branded shop. Nagpunta siya sa isang kilalang brand, du’n na siya namili, pero siguradong nagulat ang female personality dahil mas nauna pa pala kesa sa kanya ang mga kababayan natin du’n.

“Wala lang, gumanti lang sila, pinaglaruan lang nila ang girl dahil ano raw ba naman ang dalawang minutong pakikipag-pose sa kanila, pero pinagmalditahan pa sila?

“Sabi nu’ng isa nu’ng palabas na sila sa branded shop ‘Tayo na nga! Sayang ang panahon natin sa babaeng ‘yan! Kumain na lang tayo ng saging!’
“Ang alamat ng saging, bow!” pagtatapos ng aming source.
***

Ogie ‘di binastos ang lumapastangan kay Regine

Mahirap ang sitwasyon ng magaling na singer-composer na si Ogie Alcasid bilang mister ni Regine Velasquez. Dikta ng pagiging padre de pamilya ay hindi siya siyempre makapapayag na may lumapastangan sa kanyang misis at anak.

Wala siyang lulugaran. Kapag hindi siya kumibo bilang pagdepensa sa kanyang misis ay sasabihan siyang iresponsableng asawa. Kapag ipinagtanggol niya naman si Regine ay may magsasabing palaaway siya.

Ang pagdepensa ni Ogie nang laitin ni Ben Tulfo ang kanyang misis ay natural na reaksiyon ng isang asawang nasasaktan. Hindi lang para sa kanyang sarili, mas nasasaktan siya para sa kanyang misis, dahil kababaeng tao nga naman ay sukat patulan-menosin ng isang machong-machong broadcaster na si Ben Tulfo.

Marespeto si Ogie Alcasid, palibhasa’y edukado, idinaan niya ang pagtatanggol sa kanyang misis sa pinakabanayad na paraang nalalaman niya. Hindi niya binastos ang nambastos sa kanyang misis, pero dumudugo ang sugat, nagnanaknak.

Isandaang porsiyento naming sinusuportahan si Ogie Alcasid sa kanyang ginawa. Kundi niya sasalagin ang nanglalait sa kanyang misis ay sino pa ang gagawa nu’n para sa ina ng kanyang anak?

At isa lang ang napakalinaw sa senaryong ito. Pala­ging nakikipaghamunan ng suntukan si Ben Tulfo dahil sa tindig at bulto nitong lalaking-lalaki.

Maliit si Ogie kumpara sa machong Tulfo, pero sa kanyang ipinost bilang pagdepensa sa kanyang asawa ay titingala sa kanya si Ben Tulfo, sa totoong-totoo lang.