Female personality nakipagtalo sa ermat

ILANG araw pala bago naganap ang isang malaking kontrobersiya ay nagkaroon nang matinding pagtatalo ang pamosong female personality at ang kanyang ina.

Marami silang pinagdiskusyunan. Ang gustong mangyari ng female personality na hinaharangan ng kanyang ina. Ang kanyang trabaho na hindi niya naman pababayaan kahit wala na siya sa poder ng kanyang mga magulang.

Kuwento ng aming source, “Isa ‘yun sa pinakamalaki nilang argumento. Alam n’yo naman ang girl, luha lang naman ang kakampi niya sa lahat ng panahon.

“Marami siyang gustong sabihin, pero pinipigilan niyang sumagot, ayaw niyang makapanakit ng kalooban ng kapwa niya, lalo na ng kanyang mga magulang.

“Naghahanda na sila nu’n ng boyfriend niya sa plano nilang gawin, naiaayos na nila ang lahat-lahat nang walang nararamdaman ang parents niya, kaya ‘yung nangyaring pagtatalo nilang mag-ina, isa ‘yun sa nagpatibay ng loob niya,” kuwento ng aming impormante.

Minsan ay nagsalita na ang female personality na napakahirap ng kanyang kalagayan. Matinding pressure na ang inaabot niya sa pagiging mabuting role model para sa mga kabataan.

“Sinabi rin niya nu’n na bakit ganu’n? Maayos naman ang career niya, maraming nagmamahal sa kanya, pero bakit parang empty pa rin siya?

“‘Yun ang time na nagpaalam pala siyang magpakasal na, pero isandaang porsiyentong kumontra ang mommy niya, kaya napahagulgol na lang siya in public,” pag-alala pa ng aming source.

Nakakalungkot.

Aktres binabagabag ng depresyon

NATUTULIRO na ang mga taong malapit sa isang kilalang female personality kung saan nanggagaling ang kanyang depresyon.

Bukod sa kanyang relasyong hindi nagtagumpay ay wala nang maisip ang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya kung bakit binabagabag pa rin siya ng depresyon na kung tutuusi’y kayang-kaya niya namang paglabanan.

“Maraming nagmamahal sa kanya, pero siya mismo ang kinakapos ng pagmamahal sa sarili niya, kaya siya nagkakaganyan. Ano pa ba naman ang iintindihin niya, e, may mga sumusuporta naman sa kanya financially?

“Post siya nang post na happy siya, pero bakit bigla na naman siyang nade-depress? Magtrabaho na kasi siya para naaabala ang isip niya!

“Sayang na sayang ang career niya! Napakaraming nangangarap na maabot ang popularity niya! May isang-isa lang siyang iiwasan at ayos na ang lahat!
“At siya ang nakakaalam kung ano ‘yung dapat niyang iwasan! Siya lang ang nakakaalam kung ano ‘yun!” pagtatapos ng aming source.

Rowell uminom ng gamot na pampatanga

ISANG gabi ‘yun nang tumawag ang isang naiinis naming kaibigan na wala kaming maisagot sa kanyang mga tanong. Nag-aapuahap kami ng tugon pero wala talaga kaming maisip.

Ang una nitong tanong, saan daw ba nakabibili ng gamot para sa katangahan? Pampatanga raw kasi ang gamot na ipinaiinom ni Lily Cortez sa kanyang mister na pangulo (Rowell Santiago) sa seryeng Ang Probinsyano.

Ang ikalawang tanong, na mahirap ding sagutin, wala raw bang pinagkakaabalahang makabuluhang bagay ang First Lady kaya palagi siyang nakabantay sa opisina ng kanyang pangulong asawa?

Naiinis na komento ng aming kausap, “Nakakaloka, ha? Naturingang pangulo siya ng bansa, sakit na nang sakit ang ulo niya, pero hindi man lang siya magpa-check-up?

“Pinaiinom na siya ng gamot na pampatanga, pinababayaan lang niya? At wala bang magawa sa buhay ang Unang Ginang kaya palagi lang siyang nakabantay sa opisina ng pangulo?

“Itong Ang Probinsyano, pinaiinom din nila ng gamot na pampatanga ang mga tumututok sa kanila!” madiing sabi ng aming kaibigan na puna nang puna sa serye pero patuloy pa rin namang nanonood.

Ramdam namin na matindi na talaga ang galit ng buong bayan sa role na ginagampanan ni Lorna Tolentino. Gabi-gabi ay lalong tumataas ang libido ng galit ng manonood sa mga ilegal niyang ginagawa.

At isa lang ang dahilan ng galit na ‘yun ng bayan kay LT, magaling siyang umarte, naitatawid niya nang buong-ningning ang pagiging kontrabida.