Female personality namahiya ng bata

SUTIL ang tawag sa isang pamosong female personality ng kanyang mga kaibigan at katrabaho. Hanggang ngayon kasi ay sige-sige pa rin ang babaeng personalidad sa pagpapalutang ng kanyang mga patutsada sa isang taong malapit na malapit sa kanyang puso.

Kuwento ng isang source na paikut-ikot palagi, “Naku, siya ang pinagkukuwentuhan ng mga co-stars niya sa taping nu’ng minsan! Nagtataka ang mga nandu’n sa inuugali niya ngayon!

“Bakit daw kailangang mag-throwback siya nang mag-throwback? Ginagawa niya kasi ‘yun para lang paringgan ang isang taong sinasabi niyang walang pakialam sa kanya!

“Sabi nga ng isang veteran actress, e, bakit daw hindi niya na lang kausapin ‘yung pinariringgan niya kesa sa ganyan? Lalo lang daw niyang ipinakikilala ang sarili niya sa publiko na walang pagmamahal du’n sa taong ipinapahiya niya!” unang sultada ng aming impormante.

Sa nasabing taping din ay narinig ng aming source ang komento ng isang kilalang female personality. Nalulungkot ito sa mga nangyayari.

Sabi uli ng aming impormante, “Malungkot siya, nakatrabaho niya kasi ‘yung female personality na pinariringgan! Mabait daw ‘yung bata!

“Dapat nga raw magpasalamat ‘yung sikat na babaeng personalidad dahil marespeto ‘yung bata! Kung ibang tao lang daw ang girl, e, baka sumagot na rin!” kuwento ng aming source.

Mahilig daw talagang magparinig ang sikat na female personality, sa kanyang mga interbyu ay humahanap talaga siya ng tiyempo para lang maisingit ang mga hanash niya tungkol sa mga taong ayaw niya, ugali na raw talaga ‘yun ng pamosong babaeng personalidad. Huling komento ng aming source, “Ano ba ‘yan? Tumatanda na siya, pero ganyan pa rin ang ugali niya! She doesn’t grow! Sana, maisip niya na napaka-petty na ng mga pinaggagagawa niya!

“Gumamit ba ng ibang tao para lang masaktan niya ang taong hindi na nga kumikibo? Tama na ‘yan, tumatanda na siya, stop being bratty!” pagtatapos ng aming source.

Ayuda ni Willie maliit na bagay

HANDANG-handa na si Willie Revillame para sa kanyang Wowowin Primetime na magsisimula na sa February 15. Alas siyete nang gabi mapapanood ang kanyang pang-Sabadong programa na siguradong ikasasaya ng ating mga kababayan dahil sa mga sorpresang handog ng kuya ng bayan.

Ilang araw nang inuupuan ni Willie at ng kanyang production staff ang dagdag na araw ng kanyang show, detalyado na nilang pinag-uusapan ang mga magaganap, sa mga darating na araw ay live na nilang gagawin ang run-through ng programa.

Napakasayang komento ni Willie, “Dagdag na sorpresa ito para sa mga kababayan nating hindi nagsasawang tumutok sa atin. Para sa kanila ito.

“Ibang klase sila, palagi nilang tsine-check ang mga kailangan namin, nag-aalok sila ng tulong para mas gumanda pa ang show, ibang klase sila!

“Iisa lang naman kasi ang gusto naming lahat, ang mas magpasaya pa ng mga kababayan natin, ang mas makatulong pa sa mga nangangailangan,” sinserong komento ni Willie.

Nakikita-napapanood namin ang ginagawang promo ng para sa Wowowin Primetime. Nag-iinterbyu sila ng mga kababayan nating sabik na sabik nang mapanood ang dagdag na araw ng programa ng kanilang kuya.

Sabi ni Willie sa amin nu’ng isang gabi, “Sa dami ng mga biyayang tinatanggap natin, maliit na bagay lang itong gagawin namin para sa mga mas kailangan ng ayuda.

“Lagi akong naniniwala na hindi mo lang kina-count ang blessings mo, kundi isini-share. Napakasaya ko kapag nakakapagbahagi ako ng meron ako sa mga taong mas nangangailangan ng tulong,” sabi niya.

Kaya naman patuloy ang pagbaha ng biyaya para sa aktor-TV host, kaya naman palagi siyang ibinabangon ng panahon, kakampi niya ang kapalaran.