Female personality namumutok sa taba ang mukha

Female personality namumutok sa taba ang mukha

PALAGING pinagkukuwentuhan sa mga umpukan ang isang male personality na halos hindi na maibigay ang tamang pag-arte dahil sa kanyang pagpapa-botox.

Kahit galit na galit na dapat ang aktor ay hindi nito naitatawid ang emosyon dahil parang hindi na gumagalaw ang kanyang mukha lalo na ang kanyang noo.

Isang female personality rin ang napapansin ng mga manonood, ano raw ang nangyari sa kanya, pagkatapos niyang bumalik sa harap ng mga camera paglipas nang mahaba-haba ring panahon ay bakit namumutok sa katabaan ang kanyang face?

Kuwento ng aming source, “Kaya nga napapabalitang nanganak daw siya sa ibang bansa. Kasi nga, biglang lumaki ang face niya. Parang pagkapanganak daw niya, e, sumalang na siya agad sa trabaho.

“Pero may mga nagsasabi naman na epekto rin ng pagpapa-botox ang itsura niya ngayon. Hindi siya nahiyang, kaya ayan, umbok na umbok ang magkabilang pisngi niya!

“Alin kaya ang mas pinaniniwalaan ng mga nakakakita sa kanya ngayon–ang nanganak siya o dahil lang sa pagpapa-inject niya ang masyuba niyang itsura ngayon?” pagtatapos ng aming source.


Pananakit ng aktor nireklamo sa barangay

INIREKLAMO pala sa kanilang barangay ng mismong kamag-anak niya ang isang sikat na male personality dahil sa pisikal na pananakit pero hindi nag-report sa barangay ang aktor na inireklamo.

Sa halip ay ang kanyang manager ang nagsadya sa barangay, ito ang ipinadalang kinatawan ng sikat na aktor, nasa malayong probinsiya raw kasi ang kanyang alaga dahil sa ginagawang pelikula.

Kuwento ng aming source, “Nagkaharap ang nagreklamo at ang manager ng sikat na male personality, nalaman ng manager ang buong kuwento. Hindi siya makapagsalita, alam niya naman kasi ang temperamento ng alaga niya!

“Kailangan siyang sumalang sa anger management process, mainitin talaga ang ulo niya, kaya siguro, naniniwala rin ang manager niya sa nangyari!

“‘Yung manager na ang nakipag-usap sa nagrereklamo, naayos niya naman ang gulo, ewan lang kung ano ang pinagkasunduan nila!” madiing pagbibigay ng impormasyon ng aming source.

Damage control ang tawag du’n.

Angel tinutulak na tumakbong senador

SA lahat ng mga personalidad na mabilisang umayuda sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal ay ang imahe ni Angel Locsin ang pinakamalinis at pinakamakinis.

Kakambal na talaga ng kanyang pagkatao ang pagiging matulungin sa tahimik na paraan. Wala siyang ipino-post, hindi niya ipinagmamakaingay ang kanyang pagtulong, wala sa kanyang grupo ang naglalabas ng mga retrato o video ng magagandang ginagawa niya para sa ating mga nagdarahop na kababayan.

Pinatunayan ng mga kaibigan naming reporters na nu’ng gusto nilang ma-interview si Angel ay marespetong tumanggi ang magaling na aktres.

Walang pinagbigyang panayam si Angel, na naintindihan naman ng mga reporters, dahil talagang ayaw niyang ipinaaalam sa publiko ang mapuso niyang ginagawa.

Nasa dugo na ni Angel Locsin ang pagtulong. Amain niya si Party List Congressman Neri Colmenares. Bata pa lang si Angel ay mulat na siya sa magagandang nagagawa ng kanyang pamilya para sa maliliit.

Kung ano ang ginagawa ng matanda ay ginagaya ng bata, ganu’n ang kasabihan, kaya ang pagtulong sa mga nangangailangan ay nasa dugo na ni Angel.

Patuloy pa rin ang pagtutulak sa kanya para kumandidatong senador sa susunod na eleksiyon, ang mga tulad daw ni Angel Locsin ang kailangan ng ating bayan, mapuso sa mga nangangailangan at tumutulong nang walang publisidad.

Pero mukhang malayo sa kanyang bituka ang mundo ng pulitika, kahit pahapyaw na patotoo lang ay wala tayong nararamdaman mula sa magandang aktres, makapagbibigay nga naman siya ng kusang-loob na tulong kahit wala siyang posisyon sa ating pamahalaan.

Matinding paghanga at palakpakan para kay Angel Locsin!