Female personality nangnenok ng imported na sabon, shampoo

No, thanks!
Cristy Fermin

Halos himatayin na ang aming source nang marinig nito ang mga kuwento tungkol sa isang magandang female personality na “nagkalat ng lagim” sa shooting ng isa niyang pelikula.

Malayo ang location, sa isang probinsiya ‘yun, yayamanin ang role na ginagampanan ng female personality. At dahil mula siya sa isang buena familia sa istorya ay isang mansiyon ang kinuha ng produksiyon para maging bahay nila.

Kuwento ng aming source, “Hindi nailigpit ng owner ng bahay ang lahat ng mga kagamitan nila para magamit ng production sa shooting. May mga naiwanan pa silang mga mamahaling gamit sa iba-ibang kuwartong hindi naman gagamitin sa mga eksena.

“Meron naman silang bantay sa bahay, pero parang nai-starstruck ang mga ‘yun sa mga artista, kaya parang bantay-sala­kay lang sila habang ginagawa ang pelikula.

“Nu’ng dumalaw ang owner ng house para i-check ang trabaho, e, pinuntahan niya ang mga rooms na hindi naman ginagamit ng production. Nandu’n kasi ang mahahalagang gamit nila, itinambak muna du’n, aayusin na lang nila kapag tapos na ang shooting.

“Naloka ang may-ari ng bahay, marami silang nawawalang gamit, lalo na ang mga toiletries nila na kulang-kulang na at mukhang napagtripang kunin ang mga imported nilang sabon at shampoo.

“May nakapasok na magnanakaw sa mga kuwarto, pinagdiskitahan ang mga stocks nila, lalo na ang mga pang-CR nilang kagamitan!” unang kuwento ng aming impormante.

Natural, inireport sa produksiyon ng house owner ang naganap, tinanong din nito ang kanilang bantay kung ano ang nangyari at napakaraming nawawala sa kanilang mga kuwarto.

Patuloy ng aming source, “Nakakaloka! May duda na agad ang mga nandu’n kung sino ang salarin! Mas naging­ kapani-paniwala ‘yun nu’ng ikanta ng bantay na ang nagpunta lang naman sa mga kuwarto, e, ang magandang female personality na ang drama, e, titingnan lang daw niya ang itsura ng mga kuwarto!

“Ay, buking na buking ang female personality na may mga kamay na gumagapang sa kalikutan! Siya rin ang nangnenok ng mga gamit sa CR ng isang sikat na photographer!

“Geeeeee!!!! OMG! Siya nga at wala nang iba pa ‘yung nanggetlak ng mga imported na sabon at shampoo sa CR!” manghang-manghang pagtatapos ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha!

Julia-Gerald may kubling romansa?

Kung totoo ang kalat na kalat nang kuwento na hiwalay na nga sina Joshua Garcia at Julia Barretto na may third party sa panig ng young actress ay tunay namang maraming makikisimpatya sa maga­ling na young actor.

Maraming nakakaalam na itinuturing nang mundo ni Joshua si Julia, sagad na sagad ang kanyang pagmamahal sa magandang dalaga, kaya kung totoo ngang may kubling romansa kina Julia at Gerald Anderson ay napakasakit naman talaga nu’n para kay Joshua.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “Sa isyung ‘yan, nakakaladkad tuloy pati ang pa­ngalan ng mommy niya at ng mga tita niya. Parang ang iniisip ng marami, e, ganu’n talaga ang mga Barretto!

“Kung totoo ngang lihim na nagkikita sina Gerald at Julia, e, nakakaawa naman talaga si Joshua! Siguradong devastated siya ngayon, kasi, sasandaling panahon lang na nagkasama sa ibang bansa si Gerald at ang girlfriend niya, pero may milagro na palang nangyayari?” komento ni prop.

Kung totoo nga, at inu­ulit namin, kung totoo ngang nagkakamabutihan ngayon sina Julia at Gerald ay mas magandang mas maagang nangyari ang ganito sa relasyon nina Joshua at Julia.

Kung sobrang lalim na ng kanilang relasyon at saka pa nangyari ang kumakalat na kuwento ngayon ay mas magi­ging masakit para sa kanyang tanggapin ang ganu’n.

Hay, naku, ang mga batang pag-iibigan nga naman. Marupok at mapusok.