Female personality nasagasaan sa pagsawsaw

Sigurista ang isang kilalang female personality. Sa kanyang pakikihalo sa isang kontrobersiya ay wala siyang kinampihan. Gumitna lang siya.

Maraming nagkomento na nakakalimutan na yata ng female personality ang kasabihan na ang gumigitna ay nasasagasaan. Kailangang meron siyang posisyon. Saan ba siya? Sa kaliwa o sa kanan?

Sabi ng isang source, “Mema lang! Para lang may masabi siya. Para lang mapag-usapan din siya! Pinupuri niya si Actress A, ganu’n din si Actress B, napakasigurista niya!

“Ang totoo, e, nainggit lang siya sa female personalit­y na unang nagpasabog ng kanyang comment. Pero iba ang babaeng ‘yun! Meron siyang stand!

“Itim at puti lang ang alam na kulay ng female personality na ‘yun, walang gray area sa kanya! Kumampi siya kay Actress A, talagang inilaglag niya si Actress B, kesehodang magkadugo pa sila!

“Ganu’n ang makikisali sa issue. Nakisawsaw na rin lang siya, e, bahag naman pala ang buntot niya! Nagsiguro siya, pareho raw niyang mahal ang magkalabang female personalities, di nasagasaan siya!” mahabang komento ng impormante.

Umani tuloy ng pamba-bash ang mga komento ng female personalit­y, natural lang kunong kampihan niya si Actress B, dahil pareho lang naman silang mang-aagaw ng karelasyon ng may karelasyon.

Patuloy ng aming source, “O, di binakbakan siya sa social media? Ano ang napala niya sa pakikisawsaw niya? Negang-nega siya! Ayaw niya kasing lumabas na may kinakampihan siya, e, kitang-kita namang mas kampi siya kay Actress B!

“Naku, tantanan na niya kasi ang pakikihalo sa issue, lalo na kung wala naman pala siyang stand! Mema lang kasi ang babaeng ‘yun, e!” inis na pagtatapos ng aming source.

OFW nagrereklamo sa tiket ng KathDen movie

Nakikiayon ang kapalaran kina Kathryn Bernardo at Alden Richards. Nakakamahigit na apat na raang milyon na ang “Hello, Love, Goodbye” at patuloy pang kumakapal ang pigura ng pelikula sa takil-ya.

Nagkakaubusan ang tickets sa kanilang international screening, nagrereklamo ang mga OFW na bumiyahe pa mula sa malalayong lugar, pero pagdating nila sa sinehan ay wala na pala silang mabibiling ticket.

At pista opisyal pa ngayon. Walang pasok ang mga estudyante, may panahon ding manood ang mga nag-oopisina, hindi ba naman talagang kakampi nina Alden at Kathryn ang kapalaran?

Bihirang-bihirang mangyari ang ganito. Dalawang personalidad na hindi naman magkakilala nang personal at nagseserbisyo pa sa magkaibang network pero kinakitaan ng chemistry ng manonood.

Papasok na sa ikatlong blockbuster week ang “Hello,Love, Goodbye” pero positibo pa rin ang mga kuwentong lumulutang. Sa social media ay may kani-kanyang kuwento ang mga kababayan natin tungkol sa pinagdaanan nilang sakripisyo bago sila nakapanood.

Habang puwedeng magkaroon ng karera ng kalabaw sa mga sinehang pinagpapalabasan ng mga bagong nagbukas na pelikula dahil sa kaluwagan ay heto naman ang pelikula nina Alden at Kathryn.

Pinipilahan pa rin ang “Hello, Love, Goodbye,” patuloy na parang bagyong nananalasa sa buong bayan, napakasuwerteng tambalan.

Kahapon ay langkay-langkay na nanood ng kanilang pelikula ang mga pamangkin at kaibigan namin sa nayon, mahaba ang biyahe mula sa amin hanggang sa Cabanatuan City, pero wala silang pakialam.

Sabi ni Anne, ang pamangkin naming tagahanga nina Kathryn at Alden, “Naku, ang hirap-hirap kayang makinig lang sa mga kuwentuhan ng mga nakapanood na! Palagi akong nganga!

“Wala akong masabi, hindi ako makarelate sa kuwentuhan, kaya lahat ka-ming magkakaibigan, manonood na talaga! E, ano kung maubusan kami ng ticket sa first screening? May kasunod pa naman?

“Basta, hindi kami uuwi nang hindi namin napapanood ang ‘Hello, Love, Goodbye’! Team Kathryn kami! Kababayan natin siya!” komento pa ni Anne.