Female personality problemado sa grupong tinulungan

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Sagad na hanggang sa kisame ang sama ng loob ng isang sikat na babaeng personalidad sa mga taong tinutulungan niya. Umabot na siya sa sukdulan, sabihin nang duwag siya, pero gusto na niyang umurong sa mga pangakong binitiwan niya.

Walang suwerte sa pagtulong ang female personality na ito. Ibinibigay niya ang lahat-lahat, pero nabibigo siya, tulad ng ginawa niyang pag-ayuda sa isang young actor tungo sa pagbabago nito.

Kuwento ng aming source, “Ngayon naman, e, grupo ang pinoproblema niya. Ganu’n pala ‘yun, ibigay mo man ang lahat-lahat ng tulong at paggabay, sa bandang huli, e, ang nagturalesa pa rin ng mga taong tinutulungan mo ang lulutang.

“Mapapagod lang ang dila mo sa kapapayo, manghihina ka lang sa paggabay, pero kung ano ang mga totoong ugali ng tinutulungan mo, ‘yun pa rin ang mananaig.

“Tulad ng grupong ang feeling, e, sila na ang simula at wakas ng mundong kinabibilangan nila. nagkaroon lang ng piyesang nag-viral, ang pakiramdam na nila, e, panghabambuhay na ang hawak nilang kasikatan,” simulang kuwento ng aming impormante.

Ang totoo ay hindi naman nagkulang sa pagpapayo ang mga kaibigang nagmamahal sa sikat na female personality. Kinontra na ng mga ito ang planong pagtulong niya sa grupo. Pero sumige pa rin siya.

“Marami nang nagpayo sa kanya na tantanan na niya ang pagtulong dahil kukuha lang siya ng batong ipupukpok sa ulo niya. Pero gusto raw niyang tulungan ang grupo na matupad ang mga pangarap nila.

“Kahit ang mismong family niya, pinipigilan na siya sa pagtutok sa career ng grupo. May sari­ling career naman siya, kaya ‘yun na lang ang sentruhan niya!

“Hindi pa rin siya nakinig. Ano ang naging resulta? Siya mismo ang nakapagpatunay na maling­ kabayo ang tinayaan niya. Maaangas, matitigas ang ulo, mga feelinggero, at kung anu-ano pa ang natagpuan niyang ayuda­han!” pagtatapos ng aming source.

Rannie itinawid ang concert kahit yumao ang ama

Yun ang pinakamahalaga, ‘yung umuwing maligaya ang manonood, ‘yung ilang araw nang tapos ang concert ay pinag-uusapan pa rin.

Walang nasayang na minuto sa pagtatanghal ng The OPM Hitmen nu’ng Sabado nang gabi. Aliw na aliw ang mga naglaan ng panahong panoorin ang kanilang concert sa Music Museum.

Tama ang sinabi nina Richard Reynoso, Renz Verano, Chad Borja at Rannie Raymundo, bagung-bago ang mga ipakikita nila pati ang line-up ng kanilang mga kanta, walang puwedeng magsabi na napanood na nila ‘yun sa mga nakaraang concerts ng The OPM Hitmen.

Bukod sa magagaling na silang singers ay iniiniksiyunan pa nila ng comedy ang kanilang performance, si Renz Verano ang palaging nagiging tampulan ng tukso sa grupo, dahil sa kanyang height.

Ibang-iba. Kinanta ng grupo ang mga pinasikat na kanta ng mga Jukebox Queen, nagpalitan sila sa pag-atake sa mga piyesang sila mismo ang nagpasikat, puro sigawan at palakpakan ang maririnig.
Walang nainip, hindi numipis ang audience, panay-panay ang sigawan ng “More! More!” ng kanilang mga tagasuporta. Napaka­taas ng energy ng The OPM Hitmen.

Lalo pang sumigla ang gabi dahil sa Asia’s Diva na si Dulce na ang boses na umaabot hanggang sa kisame ng Music Museum ay walang kakupas-kupas. Siya talaga ang reyna ng mga reyna pagdating sa biritan na hindi nakakukulili sa pandinig.

At walang nakakaalam na sa kasiglahan ng performance ni Rannie Raymundo ay kasalukuyang nakaburol ang kanyang ama. Biyernes nang umaga pumanaw ang daddy ni Rannie, pero napakapropesyonal niya, itinawid niya ang kanilang concert na parang wala siyang pinagdadaanan.

Umuwing maligaya ang manonood, puro papuri ang tinatanggap ng The OPM Hitmen at ni Dulce, ginawa nilang ma­kabuluhan ang Sabado nang gabi sa kabila nang matinding traffic.

Sa lahat po ng mga sumuporta sa palabas, ang mula sa puso naming pasasalamat, mabuhay ang mundo ng musikang Pilipino!