Female personality sinita ng korte sa bagong karelasyon

Dahil sa matinding sakripisyong pinagdaanan ng isang female personality ay sabik na sabik na siyang makawala sa hawla ng kasal nila ng isang male personality.

Nakakalungkot lang na kung kailan matatag na sana ang kanilang relasyon, kung kailan naman naglakihan na ang kanilang mga anak, ay saka pa umusbong ang mga problema sa kanilang pagsasama.

Hiwalay na sila, naghihintay na lang ng desisyon ang female personality sa pagpapawalang-bisa sa kanilang kasal, pero dahil sa matinding kaligayahan ay inunahan niya ang desisyon.

Minsan nang sinita ng korte ang bago niyang karelasyon. Post ito nang post ng mga detalye tungkol sa annulment. Pinagbawalan ito ng husgado dahil siguradong mauuwi sa wala ang ipinaglalaban ng female personality.

Sabi ng aming source, “Nag-post na siya, malaya na raw siya, pero wala pa naman siyang hawak na mga dokumentong nagsasabi na tapos na ang laban.

“Naku, maling-mali ang ginawa niyang ‘yun, may kahabaan pa ang process na pagdadaanan ng annulment nila. Huwag muna siyang excited, maghintay lang muna dapat siya.

“Hanggang hindi pa niya hawak ang document of finality, huwag na huwag muna siyang magsasalita, bawal ang pagpo-post, dahil baka may mangyari pa sa bandang huli, e, mapahiya lang siya!

“Nandu’n na tayo, sa tindi naman kasi ng mga hirap na pinagdaanan niya, e, napakasarap tala­gang maging free na!

“Pero huwag muna siyang magpakasiguro, marami nang nangyaring ganyan nu’n! Napakatagal bago lumabas ng resulta, napanghal na ang mga taong involved, dahil hindi naman nila hawak ang korte.

“Konting hinay-hinay lang, huwag munang nagpapatalo sa emosyon, darating din ang panahong magiging malayang-malaya na siya talaga. Sisikat din ang araw sa buhay niya!” pagtatapos ng aming source.
***

Kris ‘di kayang panindigan ang pamamaalam

Sinasabi na nga ba. Tama ang komento ng ating mga kababayan na hindi mapaninindigan ni Kris Aquino ang pansamantalang pamama­hinga sa social media.

Si Kris pa? Oo ang sinasabi niya ngayon pero bukas ay hindi na. Kung bibilangin natin ang mga pangakong binitiwan niya na napako ay hindi magkakasya ‘yun sa buong espasyo ng aming kolum.

Kilalang-kilala na si Kris ng ating mga kababayan. Ang sinasabi niya ngayon ay napakalaki ng posibilidad na mabali. Hindi niya nakakayang panindigan.

Tulad ngayon, mula sa sinasabi niyang pansamantalang pahinga para hindi siya nai-stress ay may mga inupakan na naman siya. Ipinagtanggol niya ang kanyang Kuya Noynoy dahil ito ang sinasabing dahilan ng pagkatalo ni Kuyang Mar Roxas nu’ng eleksiyon.

Nakipagtaltalan na naman siya kay Congressman Egay Erice, sumosobra na raw ang bibig ng campaign manager ng mister ni Korina Sanchez, kulang na lang na murahin niya ang kongresista ng Caloocan.

Naku, baka masagad ang pulitiko sa mga ikinukuda ni Kris, baka bigla nitong maalala ang isang taong tumawag sa kanya na nagpapahanap ng mga goons!

Sa sobrang pagkabigla ng congressman ay tumawag ito sa kanyang kaibigang pulitiko, nagtanong ang kongresista, “Bakit nagpapahanap ng mga goons ang ____ mo?”

Hala! Kalat na kalat na ang kuwentong ‘yan. Santo-Santo na pero pinagpipistahan pa rin sa maraming umpukan. Nakakaloka ang kuwentong ‘yun.
Lagot!