tonite-no-thanks-cristy-fermin

May matindi palang pinagdadaanan ang isang pamosong female personality. ‘Yun pala ang dahilan kung bakit madalas siyang nahuhuli ng kanyang mga katrabaho na palaging nakatingin lang sa malayo.

‘Yun din siguro ang dahilan kung bakit napapansin ng kanyang mga kasamahan na palagi siyang iretable, konting bagay lang ay ikinagagalit na niya, nadadamay ang kanyang trabaho sa mga pinoproblema niya.

“Kapag hindi siya kinukunan, palagi lang siyang tahimik, wala siyang kinakausap, samantalang ang mga kasamahan niya, e, sige-sige sa pagkukuwentuhan kapag break nila.

“Parang napakalalim ng iniisip niya, parang kalaban niya ang mundo, kaya maraming naiinis sa attitude niya. Sumpungin kasi siya, minsang maayos siya, pero kadalasan, e, may sarili siyang mundo!” umpisang kuwento ng aming source.

Nasa malayo pala ang kanyang mga kamag-anak, wala siyang masabihan ng kanyang mga problema dito, kaya parang puputok na ang kanyang dibdib.

Malihim pa naman ang female personality na ito, napakatagal nga niyang naitago ang nangyari sa kanila ng kanyang karelasyon, nabuksan na lang ‘yun nang may mga impormasyong nakarating dito na naghiwalay na sila.

“Matagal siyang nawala, di ba? Walang kahit anong balita tungkol sa kanya, lalo na sa relasyon nila ng isang kababayan natin. Ganu’n siya kalihim, ganu’n kapribado ang buhay niya.

“Pero tungkol pa rin sa nakaraan niyang relasyon ang pinagdadaanan niya ngayon. Meron siyang gustong makuha na ayaw ibigay sa kanya. Kailangan pa raw dumaan ‘yun sa korte na napakalaking abala para sa kanya dahil active na uli siya sa pag-aartista.

“Kaya naman pala siya nagkakaganyan. Maraming nagrereklamo sa wor­king attitude niya. Malalim pala ang pinagdadanan niya. Huwag na lang kasi niyang idamay ang trabaho niya sa mga problemang dinadala niya,” nasabi na lang ng aming impormante.

Regine idinamay sa ‘di pagpirma sa prangkisa ng ABS-CBN

Nakakaawa rin ang sitwasyon ngayon ni Regine Velasquez. Kaliwa’t kanang bato ang kailangan niyang sanggahin dahil sa desisyon niyang paglipat sa ABS-CBN.

Nang lumutang ang balitang nagre-reformat ang ASAP ay sa kanya nakaturo ang lahat ng paghusga. Pumasok lang daw siya sa eksena ay napakarami nang masasagasaan, may mga personalidad nang mawawalan ng trabaho, siya ang sinisisi sa plano ng produksiyon.

Nang ipagsigawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito pipirmahan ang prangkisa ng ABS-CBN na magtatapos na sa 2020 ay siya na naman ang pinagbuntunan ng mga bashers niya.

Siya raw ang may hatid ng kamalasan sa network, dumating lang daw siya ay nagkaleche-leche na ang mga kaganapan sa istasyon, palaging si Regine Velasquez ang binabaril sa social media.

At ang lahat ng ‘yun ay nag-ugat lang sa kanyang paglipat. Hindi niya naman sinabing hindi na siya masaya sa GMA-7 pero dumulas ang dila ng Bula­kenya nang ipahayag niya na number one station ang ABS-CBN, du’n na siya tinawag na walang utang na loob sa istasyong pinagserbisyuhan niya nang mahigit na dalawang dekada.

Mahirap ang kalagayan ni Regine, natupad nga ang kanyang pangarap na magkasama na silang mag-asawa sa isang istasyon, pero ang dami-dami niya namang kaila­ngang kontrahing isyu laban sa kanya.

Komento ni propesor, “Paano ‘yan kapag tinotoo nga ni Pangulong Digong na hindi bigyan ng lisensiya ang ABS-CBN, babalik na lang uli siya sa GMA-7?”

Malayo pa naman ang 2020, lumalambot tayo sa paglipas ng mga panahon, marami pang magbabago at magaganap na hindi natin inaasahan.