MARAMING nag-aalala at natatakot sa maaaring gawin ng isang pamosong female personality na sobrang magmahal sa kanyang karelasyong aktor.

Ibang klaseng magmahal ang babaeng ito, palaging una para sa kanya ang male personality, pumapangalawa lang ang kanyang sarili pati ang pamilya niya.

Sinusuob niya ng pagmamahal ang kanyang boyfriend, ginagawa niya itong baby na palaging kailangang alagaan, kaya kung minsan ay nakakalimutan na niya ang mga sarili niyang prayoridad sa buhay.

Kuwento ng isang nag-aalalang impormante, “Sa sobrang pagmamahal niya sa BF niya, e, nakakatakot ang puwedeng mangyari kapag nagkahiwalay sila!

“Ganu’n ang mga taong malalim kung magmahal, malalim ding masaktan, kaya ano na lang ang mangyayari sa kanya kapag dumating ang panahong hanggang du’n na lang talaga ang relasyon nila?

“Sobrang pampered ang guy sa kanya, mismong mga katrabaho nila sa mga pictorial ang nagsasabing parang siya na ang leader ng glam team ng male personality, dahil siya talaga ang nag-iintindi sa boyfriend niya!

“Palagi siyang may bitbit na lampin, kapag pinagpawisan na ang guy, e, para siyang alalay na punas nang punas ng pawis ng boyfriend niya!

“Wala namang masama sa pagmamahal, pero sana naman, e, magtira siya nang kahit konti lang para sa sarili niya! E, ibinibigay na niya ang lahat-lahat para du’n sa lalaki!” napapailing pang pag-aalala ng aming source.

Opinyon ng marami ay hindi kakayanin ng female personality ang pagdating ng pagtatapos ng kanilang relasyon ng kanyang first love na aktor.

Nasanay na siya nang ilang taon na sila ang magkasama sa halos lahat ng oras, ang male personality ang kanyang bitamina at inspirasyon, paano na kapag nawala ito sa buhay niya?

Pagtatapos ng aming source, “Kailangang hindi siya mawala sa mga mata ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya. Kailangan nilang bantayan ang girl, dahil mahirap na.”

Huwag naman sanang makaisip ng hindi maganda ang kilalang female personality, hindi lang naman ang lalaking ‘yun ang nag-iisang puwedeng magmahal sa kanya, ayaw lang niyang maniwala na malawak ang mundo.

New Year countdown ayaw palampasin ni Alden

KUMBAGA sa makina ay bagong linis si Alden Richards sa pagbabakasyon niya sa South Korea kasama ang kanyang pamilya.

Nakapagpahinga siya nang ilang araw, nakatulog siya nang sapat, kailangang-kailangan ‘yun ng Pambansang Bae na halos sa labas na ng kanilang bahay nakatira kapag sunud-sunod ang kanyang trabaho.

Handang-handa na siya para sa New Year countdown mamayang gabi, taunang ginagawa ‘yun ni Alden, dahil naniniwala siya na kapag kumikilos-nagtatrabaho siya sa pagpasok ng Bagong Taon ay mas magiging malapit sa kanya ang grasya.

Kahit wala ang kapaniwalaang ganu’n ay sadyang magiging mabait kay Alden ang kapalaran. Bibihira ang katulad niyang artista na sa kabila ng katanyagan ay nananatiling nakabaon sa lupa ang magkabilang paa.

Wala sa kanyang bokabularyo ang pagiging maangas at iilang artista lang ang biniyayaan ng isip na nagsasabing hindi sila dapat pumapatol sa mga bashers na anuman ang kanilang gawin ay talagang may masasabi at masasabi pa rin.

Du’n palaging panalo si Alden, hindi siya nagpapaka-stress sa kung anu-anong negatibong hatid sa kanyang kapaligiran, ang pinakamahalaga para sa kanya ay kilalang-kilala niya ang kanyang sarili at wala siyang hangad na makapanakit ng kanyang kapwa.

Sabi ng kaibigan naming propesor na isa sa mga sumasaludo sa pagiging positibo ni Alden, “‘Yung bukas pa lang ng muka niya, positivity na agad ang hatid. Palagi siyang nakangiti, napakaganda ng aura niya.

“Du’n pa lang, e, kitang-kita mo nang he’s very secure, he has peace of mind and he welcomes everyone,” papuri ni prop.

‘Yun ang the gift na meron si Alden Richards.