Female personality tinakbo ang pera ng actor-politician

May babala ang aming source tungkol sa isang female perso­nality. Kapag lumapit daw ang babaeng personalidad na ito para magtanong kung may mga gusto bang magpagawa ng mga campaign materials ay huwag n’yo siyang pagkakatiwalaan.

Maraming pulitiko na pala ang kanyang nabibiktima. Marami nang kumagat sa kanyang alok na hanggang sa matapos na ang eleksiyon ay wala pa rin siyang nai­dedeliber na mga materyales para sa kampanya.

Kuwento ng aming source, “Matamis ang dila ng babaeng ‘yun! Magaling siyang magsalita. Kapag may kausap siya, nakukuha niya agad, kasi nga, parang namaster na niya ang panloloko!

“Inglisera siya, hindi mo talaga aakalain na itatakbo lang pala niya ang pera ng katransaksiyon niya! Grabe ang babaeng ‘yun!” simulang kuwento ng aming impormante.

Basang-basa na rin ang pangalan ng female persona­lity na ito sa mga personalidad na kumakandidato. Dahil artista rin nga ang babae ay kumakagat naman sa alok niya ang mga artistang pumasok sa mundo ng pulitika.

“Imagine, nakukuha niya ang pera, ha? Pero hanggang du’n lang ‘yun! Wala siyang idinideliber na materials! Sanay na sanay siyang magkunwari na ginagawa na raw, pinatutuyo na lang daw ang mga t-shirts, pero saan ka?

“Hindi totoo ‘yun! Ipinanggranatsa na niya ang datung! Wala talaga siyang ipinagagawang campaign materials at ang mga kawawang pulitiko naman, asa nang asang makapagdedeliber pa rin siya!” inis na inis na kuwento ng aming source.

Dating aktibong miyembro ng isang panghapong programang pangkabataan ang female personality na ito. Maganda siya, matalino, pero hindi na siya mas­yadong aktibo ngayon dahil dumoble na ang kanyang timbang.

“Nakakaloka siya! Tanungin n’yo ang isang actor-politician na nabiktima niya at puro masasakit na salita ang maririnig n’yo!

“Hindi siya magtrabaho nang maayos, puwede pa rin naman siyang mag-artista, pero mapili pa siya sa gagampanan niyang role! E, ang isang kadugo nga niya, masyuba rin naman, pero nagpapakahirap sa pagtatrabaho!” pagtatapos ng umiiling naming source.
***

Diego nagpapagamot sa Australia

Mabuti na lang at naagapan ng kanyang pamilya ang pinagdadaanang depresyon ni Diego Loyzaga. Hindi nag-aksaya ng panahon ang pamilya ng kanyang ina, pinabiyahe agad siya sa Australia, para du’n sumailalim sa proseso ng gamutan.

Huwag nating bibiruin ang depresyon. Kapag nasa­ling ‘yun ay siguradong kamatayan ang kahahantungan ng nagdurusa sa ganu’ng sitwasyon.

Marami na kaming nakakausap na pamilyang nawalan ng mahal sa buhay nang dahil sa depresyon. Hindi nila sineryoso ang napapansin nila sa kanilang kaanak, nilalanglang lang nila ang senaryo, nagulantang na lang sila nang kitilin na ng kanilang kapamilya ang sarili nitong buhay.

Isang kaibigan-kasamahan namin sa TV5 ang gumulat din sa aming mundo, naglitanya pa si Seph Ubalde tungkol sa depresyong maraming taon na pala niyang pinagdadaanan, sa bandang huli ng kanyang treinta minutos na video ay sinabi niya, “See you on the other side.”

At ‘yun na pala ‘yun. Nagpatiwakal ang magaling na news anchor-manunulat na si Seph Ubalde.

Mula sa isang kaibigan naming doktor ay heto ang ilang palatandaan ng taong inaatake ng depresyon. Magmasid po tayo. Pagmasdan natin ang mga taong nakakasalamuha natin kung nasa kanila ba ang mga palatandaang ito.

1. Kalungkutan; 2. Walang interes sa mga gawaing-bahay; 3. Iritable at magagalitin; 4. Madalas na pag-iyak nang walang dahilan; 5. Lumalayo ang loob sa pamilya; 6. Pabagu-bago ng nakasanayan na sa pagtulog at pagkain; 7. Wala sa konsentrasyon; 8. Palaging parang pagod at walang kasigla-sigla; 9. Palaging sumasagi sa isip ang pagpapakamatay.