
Ang kakitiran ng pang-unawa ng isang grupo ng mga tagahanga ng isang loveteam ang dahilan kung bakit nakakatikim ng ampalaya at apdo ngayon ang isang female personality sa social media.
Naku, talagang inuupak-upakan siya ngayon ng tropa, binabansagan siyang self-proclaimed chuchu at ang pinakamasakit pa ay tinatawag siyang traydor ngayon ng mga taong walang magawa sa buhay.
Kuwento ng aming source, “Kasi nga, naging ninang-ninangan ng loveteam ang female personality. Talagang mahal niya ang loveteam. Sinusundan niya ang galaw ng magka-loveteam, supporter talaga siya!
“Hanggang sa one day, meron ngang ibang lalaking napusuan ang girl sa loveteam. Natural, alam naman ng female personality na wala siyang karapatang harangan ang happiness ng girl idol niya.
“So, gusto rin niya ang guy na nagpapasaya sa girl, ni-like din niya, wala nga kasi siyang karapatang kontrolin ang nararamdaman ng girl,” unang kuwento ng aming source.
Dahil du’n ay pinupog na ng tropa ang female personality, kung anu-ano nang masasakit sa salita ang ipinakakain sa kanya, pati ang kanyang career na tahimik ngayon ay pinagdiskitahan ng grupong kulang sa pang-unawa.
“Isinumbat pa nila na ganu’n daw talaga ang female personality, kung sino ang sikat, nandu’n din siya. At self-proclaimed ninang daw ang female personality, makasawsaw lang!
“Nakakaawa naman siya, pati nga ang career niya, pinakialaman na rin, kaya raw siya nawalan ng TV show, e, dahil wala siyang paninindigan! E, choice namang magpahinga na lang ng babaeng personalidad, di ba?
“Naku, ang bababaw talaga ng argumento ng mga bumibira ngayon sa female personality! Hindi na sila nahiya, ginusto lang ang boyfriend ng girl idol nila, nagwawarla na sila!” naiinis na pagtatapos ng aming source.
***
Pagkukulang ni Terrence sagot ni Pia
Hindi pa kami personal na magkakilala ni Pia, ang girlfriend ng sikat na basketball player na si Terrence Romeo, pero ipinakilala na siya sa amin sa telepono ni Manay Lolit Solis.
Mula nu’ng Martes, pagkatapos ng aming FB show na “Take It…Per Minute!” ay regular na kaming nagte-text ni Pia, na kung ikuwento ng mga anak-anakan naming cameramen ng PBA ay mabait at low key.
Masarap kausap si Pia, kahit pa alam mong galing siya sa isang buena familia ay wala siyang kayabang-yabang, sinsero ang kanyang pasasalamat sa mga tulong na naibigay namin kay Terrence.
Magaling naman kasi talagang player si Terrence Romeo, may magic ang kanyang mga kamay, lalo na kapag kakampi niya ang panahon sa pagti-three points.
“Kalaban” lang namin si Terrence kapag Ginebra ang kanilang kalaban, matindi talaga ang mga kantiyawan, pero kapag hindi Ginebra ang katunggali ng kanyang team ay kay Terrence Romeo kami.
Meron na silang anak ni Pia, guwapong mag-iisang taon na ang anak nila, siguradong magiging basketball player din ito dahil nakikita ng bata ang pagmamahal ng kanyang ama sa basketball.
Ayon kay Pia ay hindi lang vocal at showy si Terrence, pero matanaw ito ng pasasalamat at utang na loob, na alam naman namin dahil kahit saan kami magkita ng basketbolista ay marespeto ito.
At alam ni Terrence na ang medyo pinipitik lang namin ay ang mahuhusay na basketball players, bakit naman namin kakantiyawan ang mga manlalarong nakabangko lang, siyempre’y ang magagaling lang ang sinisira ang laro sa hardcourt.
Masuwerte si Terrence Romeo kay Pia dahil siya ang nagdudugtong ng komunikasyon sa mga press people na hindi nagagawa ng basketball player dahil sa pagiging mahiyain nito.
Isang araw ay magkikita-kita din kami nang personal nina Manay Lolit at Pia at siguradong kulang ang mahabang panahon sa aming mga kuwentuhan.