
Tawa nang tawa ang aming source habang ikinukuwento ang isang kaganapang nakarating sa kanya tungkol sa isang female personality na kumain nu’ng minsan sa isang kilalang restaurant kasama ang kanyang mga kaibigan.
Anim silang dumating, nasa gitna ang babaeng personalidad habang papasok na sila sa resto, parang may inaalala ang female personality na paurung-sulong sa paglakad.
Kuwento ng aming source, “Naka-cap siya, jacket na sarado ang zipper hanggang sa neck niya. Ganu’n ang mga personalidad na parang nagtatago para hindi sila pagkaguluhan sa mga public places.
“Maraming tao sa restaurant, kaya hindi nagtataas ng ulo si ____(pangalan ng female singer na napakarami nang pinasikat na kanta). Parang ayaw niyang may makakilala sa kanya.
“Habang hawak niya ang menu para pumili ng mga kakainin nila, e, nakayukong tinatanong ng female singer ang mga katabi niya, ‘Meron bang nakakilala sa akin? Sa palagay n’yo, may nakahalata na ako ito?’
“Wala, sabi ng mga kasama niya, walang nakakakilala sa kanya. Tuloy lang sa paglafang ang mga nandu’n, ni hindi nga sila nagtatanungan kung siya nga ba ang pumasok sa resto!
“Mahirap ang sitwasyon niya, palagi lang siyang nakayuko. Umiiwas nga kasi siyang makilala ng mga nasa resto!” humahalakhak na kuwento ng aming source.
Ang ending, nagsimulang kumain ang grupo ng female singer hanggang sa dumidighay na sila na walang nakapansin-nakakilala sa pamosong female singer, as in wala.
“Hanggang nu’ng palabas na sila ng resto, nakayuko pa rin siya, ayaw niyang magtaas ng ulo dahil baka nga raw siya pagkaguluhan! Maraming artistang feeling talaga!
“Kung ayaw niyang makilala siya, e, sana, nagpa-take out na lang siya ng food at sa car na lang siya kumain, di ba? Nakakaloka! Nakakaloka ang babaeng ‘yun!” humahalakhak pa ring pagtatapos ng aming source na napahawak na lang sa kamay ng katabi nito.