Ferrari pang-uto ng Frontrow

Binunyag ni Dave Villanueva, miyembro ng ‘Millionaire’s Club’ ng multi-level marketing company na Frontrow, na hindi brand new ang mga pinapahulugang kotse ng nasabing kompanya.

Sa “Wanted sa Radyo” ni Raffy Tulfo, sinabi nito na ang mga Ferrari, Mustang at Montero at mamahaling bagay kung saan nagse-selfie ang ibang miyembro ay hindi naman sa kanila at nakikikuha lang ng larawan para makapang-akit ng iba na sumali sa Frontrow.

“Kasi ‘yung iba po nakiki-picture lang, pang-power lang. Alam naman natin kung sino ang may totoong sasakyan sa wala, at wala naman pong problema sa mangarap ng mataas,” ayon kay Villanueva.

Saad pa nito, marami umanong mga Frontrow member ang nakuha ang sasakyan, at ang mga hinulog para dito ay hindi na umano naibalik sa mga miyembro.

“Marami pong nahatakan ng mga sasakyan. Hindi na po naibalik sa kanila ‘yung mga binayad sa kanila,” sambit pa nito, na kinuwento ang kanyang karanasan nang kuhanin ang kanyang binabayarang Montero at Ford Mustang.
“Nagiging negosyo na lang po ulit ito. ‘Yung kotseng ginamit ko, is secondhand na po. Mayroon na pong unang gumamit no’n, pinasa na lang po sa akin,” bunyag pa nito.

Magugunita na inireklamo ang networking company ng dating miyembro nitong si Villanueva.

Dumulog si Villanueva kay Tulfo matapos umanong ipagkait sa kanya ang pinaghirapang kita nang magkaroon ng atraso sa isang miyembro na kanyang nasaktan sa nakuhanan ng CCTV.

Samantala, nagpalabas ng pahayag ang ­Frontrow na patas sila sa lahat ng kanilang business partner, mapabago mang miyembro o parte ng kanilang ­millionaire’s club.

“With our ongoing issue concerning an eering former Frontrow distributor, we are advised by our legal team to restrain from reacting further on social media and from releasing any more statements especially on television,” ayon pa sa naunang statement ng kompanya.

Ang Frontrow ay pagmamay-ari nina Raymond Francisco at Samuel Versosa Jr. Sa nilabas nitong pahayag, inaayos na umano ang gusot kay Villanueva. Pinigil na umano sila ng legal team para magsalita hinggil sa isyu.