Fetus itinago sa kahon ng sapatos

Fetus

Halos hindi makapaniwala ang isang ginang ng tahanan matapos na madiskubre sa kahon ng sapatos ang isang fetus na lalaki na iniwan sa harapang gate ng kanilang bahay sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ayon kay PO3 Zaldy Notarte ng QCPD Batasan Police Stn. 6, nadiskubre ang nasabing fetus dakong alas-sais ng umaga sa Laura St., Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod.

Base sa naging pahayag sa mga awtoridad ni Maria Pahuwayan, 31, palabas na umano siya ng kanilang gate ng mapansin nito ang isang kahon ng sapatos.

Sa pag-aakala uma­nong basura ay kinuha ito ni Pahuwayan para itapon subalit nang buksan ito ay doon tumambad sa kanya ang fetus na balot pa ng dugo.

Ayon kay PO3 Notarte, nasa limang buwan na umano ang fetus dahil kumpleto na ang buong katawan nito.

Kaugnay nito ay nagsasagawa naman ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa lugar at sinisiyasat na rin ang closed circuit television (CCTV) na nakalagay sa lugar para makita kung nakuhanan ng footages ang posibleng may kagagawan sa pagtapos sa nasabing fetus.