Inabandona sa basement ng isang condominium ang isang fetus na ini­lagay sa kahon kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Ayon kay Police Supt. Romeo Odrada, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 9 (Malate), alas-11:30 ng gabi nang madiskubre ang fetus sa basement ng Legazpi Tower Building, sa P. Ocampo Street sa Malate, Maynila.

Nalaman na isang ma­ngangalakal ang nakadiskubre sa fetus na isinilid sa isang kulay brown na kahon.

Naghahanap umano siya ng mapapakinaba­ngang basura nang mapansin ang kahon kaya binuksan ito at tumambad sa kanya ang fetus na tinatayang nasa tatlo hanggang apat na buwan.

Kaagad naman niya itong ipinaalam sa security guard ng tower na si Aquino Evangelista at saka ito inireport sa pulisya.

Inaalam naman ng pulisya kung sino ang nag-iwan ng fetus sa lugar.