Pinaimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang anim na ospital na tinanggihan ang isang bagong panganak na ginang na naging dahilan ng pagkamatay nito noong Biyernes.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tiniyak sa kanya ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tututukan nila ang kaso at kapag napatunayan ang bintang ng asawa ng biktima ay mananagot sa batas ang anim na ospital.

“In-assure ako ni Secretary Guevarra na iimbestigahan ang kasong ito at kung kinakailangan sasampahan sila ng kaso sa hukuman para mapatawan ng parusa,” ani Roque.

Namatay ang biktimang si Catherine Bulatao nang maubusan umano ng dugo dahil tinanggihang i-admit ng anim na ospital na pinagdalhan sa kanya sa Bulacan at Metro Manila.

Nanganak ang ginang sa kanilang bahay subalit nagkaroon umano ng kumplikasyon ang panganganak nito.

PAGLABAG SA ANTI-HOSPITAL DEPOSIT LAW

Sinabi ni Roque na mayroong parusang pagkakulong kapag napatunayang hindi tinanggap ng mga doktor ang biktima at madadamay sa kaso ang mga may-ari ng ospital.

“Meron po `yang kulong, at kapag napatunayang hindi tinanggap ang pasyente, ikukulong po natin lahat ng mga doktor, lahat ng may-ari ng hospital na naging dahilan kaya namatay ang pasyenteng ito,” ani Roque.

Isa umano sa pinagdalhang ospital ay humihingi ng P30,000 na deposito bago i-admit si Bulatao subalit dahil P5,000 lamang ang dala ng asawa nito ay hindi sila tinanggap ng ospital.

“Meron po tayong batas, `yong Anti-Hospital Deposit Law na nagpapataw ng parusa sa lahat ng mga hospital na hindi tatanggap ng pasyente dahil hindi sila makapagbigay ng deposito,” wika pa ni Roque.

Nauna nang binanggit ang mga nirereklamong pagamutan at kabilang dito ang North Caloocan Doctors Hospital, Far Eastern University Hospital sa Quezon City, Bermudez Hospital, Skyline Hospital, Grace Hospital at San Jose del Monte General Hospital.

“Masayadong masalimuot at maraming rason ang mga pinagdalhan kong ospital at hindi man lamang nila inalam ang vital signs ng misis ko. Sinisisi ko rin ang sarili ko dahil wala akong maipambayad agad sa hinihinging down payment sa FEU Hospital. Dalawang oras ang biyahe namin mula FEU Hospital hanggang Bulacan kaya siguro naubusan na ng dugo ang misis ko,” malungkot na pahayag ni Jan Christian Bulatao.

NBI REPORT HINIHINTAY NA GUEVARRA

Samantala, nabatid na sinimulan nang magsagawa ng pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng 28-anyos na ginang batay na rin sa kautusan ni Guevarra.

Sinabi ni Guevarra na binigyan niya ng 10 araw ang NBI para magsumite ng report.

“The NBI probe has begun…The directive was given last weekend,” ayon kay Guevarra. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia/Dolly Cabreza)