Humihinga pa ang Ateneo Lady Eagles matapos dagitin ang 25-15, 27-25, 25-17 panalo laban sa National University Lady Bulldogs kahapon sa Shakey’s V-League Season 13-Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan.
Magkakaroon ng playoff game para sa huling slot sa quarterfinals ang Lady Eagles at TIP Lady Engineers na parehong tumapos ng 2-2 sa Group A.
Bukod sa matamlay na umpisa ng Ateneo, lalo silang nadehado sa laban pagharap nila sa NU dahil nagkaroon ng injury si Jhoanna Maraguinot.
Pero naging mabalasik pa rin ang Lady Eagles para pahabain ang buhay at magkaroon ng tsansa na pumalo sa quarters.
Maghaharap ang Ateneo at TIP bukas ng alas-sais ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig.
Nalasap ng NU ang unang dagok sa matapos ang tatlong sunod na panalo.
Pasok na rin ang Lady Bulldogs at San Sebastian Lady Stags (3-1) sa susunod na round.
Winalis ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang apat na laro sa Group B matapos ilista ang 27-25, 25-22, 18-25, 23-25, 15-8 panalo kontra UP Lady Maroons sa unang laro.
Tumapos si Toni Rose Basas ng 24 puntos kasama ang 22 attacks, sina team skipper Mary Remy Joy Palma, Jerrilli Malabanan at Bernadeth Pons ay nagtala ng 15, 11 at 10 points para sa 4-0 Lady Tams.
“The girls showed character in this game,” ani FEU coach Shaq delos Santos.
Semplang sa segundo puwesto ang Lady Maroons sa 3-1 karta pero sasabay na rin sila sa FEU kasama ang University of Sto. Tomas Tigresses (2-2) sa quarterfinals.