Madaling nilista ng FEU-NRMF-Gerry’s Grill at PCU ang magkahiwalay na panalo sa 2017 MBL Open basketball championship sa EAC Sports Center.
Nilampaso ng FEU-NRMF ang EAC 114-77, hindi pinaporma ng PCU ang PNP 85-64.
Mula umpisa ay kontrolado ng FEU ang laro hanggang kumpletuhin ang coast-to-coast win. Tumipa si Raniel Jake Diwa ng 25 points para pangunahan ang balanseng atake ng Fairview-based Tamaraws. Nag-ambag ng 17 markers si Dexter Zamora, may 14 si Fil-German Glenn Gravengard sa Tamaraws ni coach Pido Jarencio.
May 15 points si Jethro Mendoza sa Generals.
Binalikat ng troika nina Jon Von Tambeling, Yves Sazon at Michael Ayonayon ang Dolphins sa panalo. Nagsumite ng tig-18 points sina Tambeling at Sazon, may 15 si Ayonayon.
Hindi kinayang pasanin ng 23 points ni dating UE star Olan Omiping ang PNP Responders.