Sinuwag ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang San Beda College Lady Red Spikers 23-25, 25-6, 25-11, 25-14 kahapon para siguruhin ang pasok sa susunod na round ng Shakey’s V-League Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig.
Sumalo ang Lady Tamaraws sa University of Sto. Tomas at University of the Philippines sa tuktok ng Group B tangan ang tig 2-0 records. Laglag ang San Beda at NCAA champion College of Saint Benilde Lady Blazers na may tig 0-3 karta.
Matapos ipamigay ang unang set, inararo ng Lady Tamaraws ang huling tatlong frames para alisan ng bangis ang Red Spikes.
Humataw si Toni Basas ng 19 points, umiskor si Bernadeth Pons ng 14 at nagdagdag ng 13 puntos si Mary Remy Joy Palma para sa FEU.
“Medyo mabagal sa simula pero uminit sa huli,” saad ni FEU coach Shaq de los Santos. “Nagagawa lang talaga ‘yung mga ine-ensayo namin.”
May walong puntos si Janine Marciano para sa San Beda habang limang puntos ang kinana ni Francesca Raqraquin.
Sa pangalawang laro, pinabagsak ng TIP Lady Engineers ang Perpetual Help 25-16, 25-13, 26-15 para saluhan ang San Sebastian College Lady Stags sa second spot sa Group A.
Bumira si Mylene Paat ng 13 points habang may 10 markers si Alyssa Layug tungo sa 2-1 baraha ng Lady Engineers.
Nasa ilalim ng team standings ang Perpetual kasama ang Ateneo Lady eagles sa 0-2 cards, pero may pag-asa pa rin silang pumasok sa susunod na phase.