Nagbayad ng may P150 milyon pagkakautang sa buwis ang tatlong kila­lang unibersidad sa Maynila matapos na i-avail ang ipinagkaloob na tax amnesty ng lokal na pamahalaan ng Maynila mula nang maupo si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso.

Kabilang sa tatlong kilalang unibersidad ay ang University of the East (UE), Mapua at ang Far Eastern University (FEU).

Ayon kay city treasurer Jasmin Talegon, kinuwestiyon umano sa korte ng mga nabanggit na unibersidad ang halaga ng buwis na ipinataw sa kanila.
Nabatid kay Talegon na base sa record, nagbayad ang UE ng P100 mil­yon; MAPUA, P31 milyon at FEU, P22 milyon na umabot sa kabuuang P153 milyon.

Una nang hinimok ni Moreno ang lahat ng may pagkakautang sa buwis na samantalahin ang amnestiya na kanyang inaalok para mabayaran ang kanilang pagkakautang sa buwis. (Juliet de Loza-Cudia)