FIBA World Cup sa ‘Pinas may date na

Hindi pa man nakukumpleto ang pagbabalik ng mundo sa ‘new normal’ dahil sa salot na coronavirus disease 2019 mula sa Wuhan, China, itinakda na ng International Basketball Federation ang mga petsa ng continental tournament pa-19th FIBA World Cup 2023 sa Pilipinas, Japan at Indonesia.

Kinumpirma ng FIBA mula sa opisina nito sa Mies, Switzerland ang petsa ng Basketball World Cup 2023 na siyang showpiece event sa Agosto 25-Setyembre 10, 2023.

Ito ang napagdesisyunan ng FIBA Central Board matapos ang konsultasyon sa mga host nation kasama rin ang rekomendasyon ng FIBA Competitions Commission.

Base sa format ng World Cup, didribol ang Group Phase sa Indonesia, Japan at Pilipinas. Ang Final Phase ay sa Maynila. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo na isasagawa ang mga laro sa tatlong bansa.

Naging kasabayan sa pag-aanunsiyo ng petsa sa event ang paglulunsad din ng FIBA Basketball World Cup 2023 official website, na patuloy na lalagyan ng mga update tungo na sa aktuwal na pagsasagawa ng flagship event.

Muling itatampok sa FIBA Basketball World Cup 2023 ang 32 national teams kung saan gagamitin ang expanded format ng 18th FIBA Basketball World Cup 2019 sa China.

Isinagagawa sa walong lungsod ng China ang nakaraang taong event ang nagbigay sa Spain ng korona bilang world champion maapos idemolis ang Argentina, 95-75, sa Wukesong Sport Arena sa Beijing.

Ipagpapatuloy ang tagumpay ng FIBA Competition System na pinatupad noong 2017, ang qualification process para sa FIBA Basketball World Cup 2023 ay bubuuin ng anim na windows na gaganapin sa 15 buwan nsa apat na rehiyon ng Africa, Americas, Asia/Oceania at Europe.

Nagsimula na ang “Road to the 2023 World Cup” sa Indonesia, Japan at Philippines noong Pebrero. Gayundin sa FIBA Basketball World Cup 2023 European Pre-Qualifiers, na pipili ng walong European qualifier.

Susunod sa huling mga buwan ng 2020 ang FIBA Basketball World Cup Americas Pre-Qualifiers na nakataya ang silya sa apat na koponan.

May 80 teams ang maglalabo-abo sa qualification para sa FIBA Basketball World Cup 2023 sa Nobyembre 2021 hanggang Pebrero 2023. Ang unang window ng qualification ay sa Nobyembre 22-30, 2021. (Lito Oredo)