Umalma ang ilang cultural heritage advocate sa planong pagpapatayo ng tulay na kokonekta sa Binondo at Intramuros na tinawag ding Filipino-Chinese friendship bridge.

Nag-ugat ang pagkabahala ng mga advocate group dahil sa babalang inilabas ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na maaaring mawala sa listahan ng World Heritage Site (WHS) ang apat na lumang simbahan sa Pilipinas.

Ayon sa ulat, maaapektuhan ng konstruksiyon ang buffer zone na prescribe para sa San Agustin Church sa Maynila, at ‘pag nangyari ito ay mabubura ang simbahan sa listahan ng WHS.

Bukod sa unang simbahan, may posibilidad din na mawala sa WHS ang tatlong iba pang simbahan, ito ang Church of La Nuestra Senora de la Asuncion sa Santa Maria, Ilocos Sur; Church of Saint Augustine sa Paoay, Ilocos Norte at Church of Santo Tomas de Villanueva sa Miag-ao, Iloilo na tinaguriang Baroque Churches of the Philippines noong 1993.

Pinangangambahan din na imbes makatulong ay magdudulot pa ito ng mas malalang trapiko sa lugar.

Samantala, pinaimbestigahan na Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Senado ang konstruksyon ng nasabing tuloy.
“The government should learn to strike a balance between urban development and heritage conservation. We must balance our pursuit of economic success with our concern for our cultural heritage. The two can co-exist,” ani Drilon.

Itatayo ang tulay na pinondohan ng China, sa ibabaw ng Pasig River at mag-uugnay sa San Fernando Street sa Binondo at sa Solana Street at Riverside Drive sa Intramuros.