Isang matandang lalaki na Filipino-Chinese ang patay matapos pagbabarilin ng dalawang kalalakihan na lulan ng isang motorsiklo habang sakay ng isang pampasaherong jeep sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng hapon.

Nahagip ng CCTV ang nangyaring insidente at base sa kuha nito ay ganap na alas-5:00 pasado ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Gov. Pascual na sakop ng Barangay Potrero ng nasabing lungsod.

Nakasakay sa isang pampasaherong jeep ang biktimang nakilalang si Eden Chuanico, 78, na residente ng Cubao, Lungsod ng Quezon galing sa Monumento, Lungsod ng Caloocan nang dumikit sa kanyang sinasakyang jeep ang isang motorsiklo na lulan ang dalawang kalalakihan n apawang naka-itim na kasuotan at nakasuot ng sumbrero at helmet.

Ilang sandali pa ay bigla na lamang binaril ng angkas nito ang biktima na tinamaan sa kanyang leeg, dibdib at ulo na tumagos pa sa kanyang mata, dahilan upang mabilis na mapahinto ng jeep sa takot at agad nagtalunan palabas ng jeep ang iba pang mga sakay na pasahero ng jeep.

Mabilis din namang tumakas ang mga salarin na dumaan pa mismo sa himpilan ng pulisya na nasa lugar ngunit hindi na agad napansin ng mga nakatalaga doon hanggang sa tuluyang makalayo.

Agad din namang naisugod sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay at nasawi habang ibinibyahe.

Patuloy naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang posibleng motibo ng mga ito sa pagpatay sa biktima.