Kasya lang si 2018 Asian Games bronze medalist Junna Tsukii sa ikalimang puwesto para kapusin sa Olympic qualifying na World Karate Federation (WKF) Premirer League sa Dubai, United Arab Emirates.
Umiskor ang Filipino-Japanese karateka ng apat na impresibong panalo upang makatuntong sa semifinals ng women’s umite-55 kilograms bago yumukod sa nagwagi ng silver medal pagkaraan na si Kateryna Kryva ng Ukraine.
Sumablay siya sa bronze medal nang mabigo kay Sophia Bouderbane ng France sa repechage.
Unang hinakbangan ni Tsukii si Rebecca Cichrova ng Slovakia 2-1 saka dinomina si Jelena Pehar ng Croatia 5-0, at sina Sarunitasarisuka Tendel ng Indonesia at Yee Ting Tsang ng Hong Kong.
Nasa 60 karatekas ng 40 bansa ang sumabak sa kategorya ni Tsukii na nagnanais makasungkit ng mga kailangang puntos para mag-qualify sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.
“I was satisfied with my finish considering it was my first time to compete in this high level tournament,” bigkas ni Tsukii.
Pero nangako siyang paghahandaan nang husto ang susunod na mga torneo upang makahabol pa sa 2020 Tokyo Olympics.
May 13 torneo pa ang WKF na maaaring salihan ni Tsukii upang makatipon ng puntos para sa world at olympic qualifying rankings.