Filipino Pamasko ni Digong: Umento sa mga gov’t worker

Bukod sa mga benepisyong kanilang matatanggap ngayong Pasko, may regalo rin si Pangulong Rodrigo Duterte na dagdag suweldo para sa mga sibilyang empleyado ng gobyerno.

Ito’y matapos hilingin ng Pangulo sa Kongreso, partikular sa Senado ang agarang pag-apruba sa panukalang batas na magbibigay ng umento sa mga kawani ng gobyerno.

Una nang inaprubahan nitong Lunes ng House committee on appropriations ang House Bill 5712.

Sa ilalim ng HB 5712, bibigyan ng umento sa kanilang sahod ang mga sibil­yang kawani ng gobyerno dahil matatapos na ngayong taon ang huling bahagi ng salary increase sa kanila sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2015.

Sabi ni Davao City Rep. Isidro Ungab, chairman ng komite, P34 bilyon sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund ng 2020 national budget ang inilaan para sa implementasyon ng first tranche ng umento.

Samantala, sa sulat ng Malacañang na may petsang Disyembre 13, 2019 kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, hiniling ni Pangulong Duterte na ipasa agad ang Senate Bill 1219 o An Act Modi­fying the Salary Schedule for Civi­lian Government Personnel and Authorizing the Grant of Additional Benefits, and for Other Purposes.

Sinabi pa ng Pangulo na mahala­gang maipasa agad ang panukala para lalong maging masipag at produktibo sa kanilang pagtatrabaho ang mga sibilyang kawani ng gobyerno.

Agad namang umaksyon ang Senado at sa botong 21-0 nitong Lunes, inaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas nila para sa umento ng mga kawani ng pamahalaan.

Ang Salary Standarization Law of 2019 ay magbibigay ng benbepisyo sa mahigit 1.4 milyong kawani ng gobyerno lalo na sa mga nasa Salary Grade 11 hanggang 19.

Sa ilalim ng panukala, ang salary adjustment ay ibibigay sa apat na bahagi na magsisimula sa Enero 2020 at matapos na maibigay ng buo, magtataas naman ang basic salary ng 23.24% sa 2023. (Dindo Matining/Aileen Taliping/Prince Golez/JC Cahinhinan)