Filler sa fishport todas sa 3 maskarado

gun-masked

Nasawi ang isang ‘filler’ sa Navotas Fishport nang pagbabarilin ng tatlong maskarado sa harapan ng kanyang kinakasama, kamakalawa ng umaga sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Mark Joseph Oliveros, residente ng Building 19, Aroma Compound, Tondo, Maynila bunsod nang mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Habang mabilis namang tumakas ang tatlong suspek, na hindi nakilala dahil pawang nakasuot lamang ng itim na face mask.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban, dakong alas- 7:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa madilim na eskinita sa pagitan ng Building 20 at 24 ng Aroma Compound, Tondo.

Nabatid kay Annazel, 16, kinakasama ng biktima, naglalakad sila nang bigla na lang silang harangin ng tatlong suspek. Hinila umano palayo ang biktima saka pinagbabaril bago tumakas.