NATATAWA na lang si Boobay nang nagkuwento sa amin sa nakakatakot na experience niya nang mag-taping siya ng isang episode ng Day-Off noong nakaraang linggo.

Nabasa namin sa kanyang Instagram account ang post niyang kuha sa Mt. Pinatubo kung saan nag-trekking sila roon para sama­han ang isang pamilya na binigyan nila ng reward sa naturang programa.

Kuwento ni Boobay, “Sinamahan ko ‘yung family na binigyan namin ng reward na mag-Day-Off.

“Ang isa nga sa itine­rary namin, magpas­yal du’n sa Mt. Pinatubo.

“Kiyeme-kiyeme pasyal kami, okay naman. Pagdating namin sa baba, ang sabi, trekking na. Sabi, mga 2½ hours daw kami na mag-trekking ganyan, mga 7 kilometers.

“Mag 3 kilometers na kami, biglang umulan. Lakad-lakad pa kami nang konti. Tapos nakita na namin, bumababa na ang tubig, ang lahar.

“Sabi ng guide namin, baba na kami, kasi, luma­lakas na ang ulan, luma­lakas na ang tubig.”

Patuloy ng komedyante, “Ang nangyari, naghanap kami ng lugar na puwede namin pag-stay na medyo safe, kasi, sinasabayan na kami ng paglaki ng tubig.

“Tapos, ‘yung dadaanan namin, hindi siya malawak, doon din dumadaan ang tubig. Tapos, may kasama pang bato.

“Kaya naka-standby kami na mga 2 to 3 hours na nauulanan lang kami, ganyan.”
Ang problema pa, hindi nadala ng guide nila ang radyo dahil naiwan sa driver nila na naghihintay lang sa baba.

Wala ring signal ng cellphone. Kaya nagdadasal na silang lahat.
Sinusubukan niyang magpatawa para kahit paano, mapagaan nila ang pakiramdam.

Dalawampu’t apat silang umakyat ng Mt. Pinatubo na hinati sa dalawang grupo.
Si Jeff Gaytan ang nasa isang grupo. Takot na takot na silang lahat, kasi posibleng ma-trap na raw sila roon at anurin ng lumalalim na tubig.

Meron pa silang isang kasama na nagulungan ng malaking bato kaya nasugatan ito.
Nang tumila ang ulan, doon na sila nag­lakas-loob na bumaba kahit pinipigilan pa sila ng guide, gawa ng malalim pa ang tubig.

“Sabi ng guide, huwag daw muna, kasi, may tubig pa. Pero sabi namin, mabuting bumaba na kami habang wala nang ulan. Kasi, baka umulan na naman, lalo kaming ma-trap.

“Sabi namin mag-buddy-buddy na lang kami, kasi, 22 kami lahat eh.
“Tumatakbo na kami na tumatawid, kahit may tubig pa na bumababa. Habang tumatakbo kami, may mga bato na bumabagsak.

“Kaya kailangan, ingat-ingat sa pagtakbo ganyan. Parang sa pelikula talaga na parang Survivor na parang Final Destination ‘yung dating,” patuloy na kuwento ni Boobay.

Nauna ang grupo nila nakababa na basang-basa silang lahat at mabuti nakasunod din ang isa pang grupo.

Nagtataka si Boobay sa sarili dahil noong panahong iyun ay parang hindi na siya nakaramdam ng takot.

“Ewan ko ba, kasi ang iba, seryoso na, eh. Dyinu-joke-joke ko na lang na sinasabi ko, hay naku, napanood ko na ‘yan sa pelikula.

“Sabi ko na lang talaga, kung ano mangyari, Kayo na po bahala. Sabi ko, kung iyun na talaga ang time ko, eh di ‘yun na,” patuloy na kuwento ni Boobay.

Kagagaling lang niya ng Canada para mag-show doon at pagbalik ng bansa, salang na siya sa taping Day-Off.

Kakaibang experience ito kay Boobay, pero malaki­ ang pananalig niya sa Diyos na proteksyunan siya kaya ligtas silang nakauwi.

“Hay salamat po Lord, sinamahan N’yo kami sa pagsubok na ‘yun… Ikaw talaga ang tagapagligtas! Amen!” bahagi ng post ni Boobay sa Instagram.