Sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Fire Prevention Month sa pamamagitan ng motorcade ng mga fire truck at firefighters na nagbibigay-paalala sa publiko na mag-ingat sa ­sunog nitong Linggo ng umaga.

Ang kick-off ceremony ng Fire Prevention Month ay pinasimulan sa isang motorcade mula sa Sunset Avenue sa SM Mall of Asia sa Pasay City at patungo sa Quezon City Elliptical Circle. At ang tema ngayong taon ng naturang okasyon ay ‘Matuto ka, Sunog ay Iwasan na’.

Ayon kay BFP-NCR Public Information ­Office Regional Director Insp. Evan Joshla Privido, ­layunin ng aktibidad na palakasin ang fire safety awareness campaign ng publiko at imulat pa ang kamalayan ng mga mamamayan, para maging maingat at maiwasan ang sunog.

Isinasagawa aniya ito tuwing buwan ng Marso na kadalasang nagkakaroon ng maraming sunog.

Kabuuang 230 fire engine o fire trucks mula sa BFP at volunteer brigade, ang nakiisa sa ­motorcade.

Ayon kay BFP Fire Chief Superintendent Rico Neil Kwan Tiu, regional director ng BFP-National Capital Region, target nila sanang makapagtala ng bagong world record para sa pinakamahabang parada ng mga fire engine sa idinaos na okasyon.

“Gusto ho namin na mai-set ‘yung pinakamahabang parada ng fire engines sa buong mundo,” ani Kwan Tiu. Nabatid na ang kasalukuyang world ­record ay 220 fire trucks lamang.

Kinontak aniya nila ang Guinness World ­Records ngunit ipinaliwanag umano ng mga opis­yal nito na ang proseso ay aabutin ng ilang linggo.(Dolly B. Cabreza)