Pormal nang winakasan ni Joshua ‘Fireball’ Urbiztondo ang kanyang professional basketball career.

Tapos malaglag ng San Miguel Alab Pilipinas, ang kanyang koponan sa Asean Basketball League, sa quarters kontra Hong Kong Eastern, 102-84, Miyerkoles ng gabi, inanunsyo na ni Urbiztondo ang kanyang paglisan sa larong kinahiligan.

“After a long thought decision and discussing with my wife I have finally decided to hang em up and retire from basketball. In my 11 year pro career there has been a lot of ups and downs which I will cherish and bring with me in my next chapter of life!” saad sa Instagram caption ng 36-anyos na Fil-Am nitong Huwebes.

Aniya, kanya nang pagtutuunan ng pansin ang kanyang mga anak at misis at tuluyan nang iiwan ang bansa para bumalik sa Amerika.

“Those of you who know me my kids and wife are everything to me and as a father I have to think what’s best for them! So moving­ back to the states is essential for my family at this moment and I am excited for our next chapter in life!”

Unang sumalang si Urbiztondo para sa Sta. Lucia Realtos sa Philippine Basketball Association kung saan naglista siya ng 7.8 points, 2.8 rebounds, 2.6 assists, at 1.1 steals kada laro.

Maituturing din na successful ang kanyang PBA stint matapos magkampeon sa BMeg Llamados, doon ay nagpalipat-lipat na siya ng team sa Barako Bull Ginebra San Miguel, Phoenix Pulse Fuel Masters at huli ay sa GlobalPort Batang Pier. (Ray Mark Patriarca)