Nilagdaan na para maging batas ni ­Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang “First 1,000 Days Law” na layuning maiangat ang nutrisyon sa loob ng unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata.

Ang naturang batas ay kilala bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” Republic Act 11148 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 29 kung saan dapat na pagkalooban ng tamang maternal at child health care program ang sanggol na nasa loob pa lamang ng sinapupunan ng kanyang ina.

Sa ilalim ng batas, ang gobyerno ay may mandato na iprayoridad ang nutrisyon ng pre-pregnant, pregnant at lactating women, infants at mga paslit.

Ang batas ay magkakaloob rin ng komprehensibong estratehiya para tugunan ang nutrisyon at kalusugan ng mga bata at gumawa ng mga investment plan.

Nalaman na “una­nimously,” inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 1537, kilala bilang “Healthy Nanay and Bulilit Act,” noong Marso at noong Setyembre, 2017 naman ipinasa sa House of Representatives.

Ayon kay Senator Ralph Recto, kinakaila­ngan ang may P17 bil­yon sa implementasyon ng ­batas.

Palalakasin umano ng naturang batas ang implementasyon ng Executive Order 51 o “Milk Code,” at Republic Act 10028 o “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009.”