Mga laro ngayon: (The Arena, San Juan)
4:00 p.m.– Air Force vs Creamline
6:30 p.m. — BaliPure vs Pocari
Puntirya ng BaliPure na ikadena ang pangatlong sunod na panalo pagharap nila sa defending champion Pocari Sweat ngayong araw sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan.
Solo sa top spot ng team standings na may malinis na dalawang panalo, haharapin ng Water Defenders ang Lady Warriors sa main game pagkatapos ng bakbakan ng Air Force at Creamline.
Sa dalawang panalo ng BaliPure, talo sila palagi sa first set pero nakakabawi sa tatlong sunod na frames.
Unang tinalo ng Water Defenders ang Air Force, 21-25, 25-19, 25-19, 25-21 bago kinaldag ang Power Smashers, 17-25, 26-24, 25-23, 25-22.
“Ayaw ko ng ganu’n hangga’t maaari, mas gusto ko ‘yung panalo agad sa first set,” wika ni BaliPure coach Roger Gorayeb. “Hindi mo rin masasabi na palagi kang makakahabol,”
Inaasahang makikitaan ng bangis ang Lady Warriors na babangon mula sa pagkakadapa sa Power Smashers sa kanilang unang salang.
Reresbak din ang Cool Smashers sa talo kontra Perlas.
Muling huhugot ng lakas ang Creamline kay volleyball superstar Alyssa Valdez para sikwatin ang unang panalo.