FIRST VICTIM SI LARIBA

Si Ian Lariba ng Pilipinas habang dumidiskarte ng tira laban kay Han Xing ng Congo sa women’s singles qualification round ng table tennis sa Riocentro venue ng Rio Olympics. Kinapos si Lariba 7-11, 11-13, 9-11, 7-11. (AFP)

Lumaban, nakipagpukpukan, at taas-noong dinala ni Ian Lariba ang bandera ng Pilipinas sa pagbubukas ng kampanya sa Olympics kagabi.

Kaya lang, kinapos ang pambato ng De La Salle.

Hindi nakaariba si Lariba sa naapagang oras na laban kay Han Xing ng Congo, 7-11, 11-13, 9-11, 7-11, para unang mapaeksit sa 13-member Philippine bets sa limang sports sa unang araw ng mga aksyon Sabado ng gabi sa 31st Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.

Thirty-three minutes lang ang duration ng match kung saan inabot ng seven minutes ang Game 1, 11, 9 at 7 ang next three sa Riocentro Convention Center.

Binigay lahat ng Pinay paddlewielder ang natatagong tikas, pero yumuko sa dominasyon ng China-born player pero naturalized Congan.

Sa 12:48 a.m. naman kanina (11:48 a.m. sa Maynila) ang kampay ni tanker Jessie Khing Lacuna sa men’s 400-meter heats sa Olympic Aquatic Center.

Makikipag-upakan sa 5:00 a.m. (4:00 p.m. Manila time) si boxer Charly Suarez kontra kay Joseph Cordina ng Britain sa men’s lightweight preliminary rounds sa Riocentro Pavilion 6.

Bandang 11:30 p.m. ang umpisa ng buhat ni Nestor Colonia sa weightlifting men’s 56-kilogram preli­minaries sa Riocentro Pavilion 2, at 11:30 p.m. si Hidilyn Diaz sa women’s 53kg.