Fishkill inaagapan ng DENR

Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ginagawa ng kanilang tanggapan ang lahat upang masigurado na hindi maaapektuhan ng fishkill sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park ang isinasagawang rehabilitas­yon sa Manila Bay.

Sinabi pa ni DENR Secretary Roy Cimatu na kasalukuyan ding nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Environmental Management Bureau-National Capital Region upang malaman kung ano talaga ang sanhi ng fishkill sa wetland park.

“Minamadali na rin ang resulta nito para ma-determine kung anong hakbang ang isasagawa para maibsan ang impact nito sa marine life sa ibang lugar,” dagdag ng kalihim.

Samantala, sinabi ni DENR-National Capital Region Executive Director Jacqueline Caancan na ilalabas ang resulta ng water test sa mga darating na araw.

Pinayuhan din nito ang publiko na iwasang maligo sa lugar para hindi magkasakit sa balat at huwag din manghuhuli ng mga isda. (Riz Dominguez)